NASA kabuuang 275 ordinance violators ang hinuli ng mga pulis dahil sa paglabag sa mga ordinansa sa katimugang Metro Manila sa nakalipas na 24-oras, ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD), kahapon.
Nagsagawa ng implementasyon ng mga ordinansa ang mga awtoridad sa Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig Cities at munisipalidad ng Pateros, alas-5:00 ng madaling-araw kamakalawa hanggang alas-5:00 ng madaling-araw kahapon.
Sa nasabing bilang, 67 dito ang nahuling nag-iinuman sa pampublikong lugar, 62 ang naninigarilyo,14 ang nakahubad-baro,126 ang lumabag sa curfew, dalawa ang umiihi sa bangketa, tatlo sa illegal vending at isa naman sa littering.
Ayon pa sa ulat, ang Parañaque ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng ordinance violators na pumalo sa 109, sinundan ito ng Taguig sa 77, Makati-46, Muntinlupa-38 at Pateros-5 habang zero naman sa Pasay at Las Piñas. Sa mga lumabag, 114 dito ang pinagmulta ng mga awtoridad at 161 ang binigyan ng warning.