top of page
Search
  • Isko Moreno

Mga fast food chain, kumpanya at tindahan na walang disiplina sa pag-tatapon ng basura, lagot!


KAHAPON, nanawagan tayong tanggalin na ang pangalan at litrato ng ating mukha sa inilunsad na programang “Kusina ni Isko” kung saan ilan sa ating mga pribadong tagasuporta at kaibigan ang nais magbigay ng kaunting ayuda.

Alam nating malinis ang intensiyon ngunit, ito ay bumabangga sa kampanya natin laban sa mga ‘epal’ kaya minabuti nating makisuyo at makiusap. Kaunting paglilinaw lang, hindi ito ginamitan ng pondo ng gobyerno at kusang-loob lamang ng ilang nagmamalasakit nating mga kababayan.

Gayundin, nagpapasalamat tayo sa mga paaralan sa pagtupad sa iniutos nating pagtanggal ng mga pangalan at mukha ng mga pulitiko sa mga paaralan. Hindi exempted ang pangalan at litrato natin kaya mas mabuting unahin na muna ‘yung sa atin. Dapat tayong maging halimbawa at maging pantay sa lahat.

◘◘◘

Natutuwa tayo sa balitang ililipat na ang mga informal settler sa malapit lang na lugar. Hinihikayat natin ang ating mga kababayan na tanggapin ang panukalang relocation site. I-grab natin ang pagkakataong ito dahil hindi natin alam kung magkakaroon pa ulit ng ganitong klaseng programa ang pamahalaan.

Samantala, nais nating magpasalamat sa kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Sec. Roy Cimatu sa pagsama sa atin sa pagsaayos at paglilinis ng ilan sa mga estero sa Maynila. Isa ito sa sanhi ng pagbaha at pagdami ng basura kaya nararapat lamang na ito ay mabigyan ng solusyon.

Kaugnay nito, nananawagan tayo sa mga fastfood chain at iba pang kumpanya at tindahan na mahilig magtapon ng basura sa mga estero, lalo na ‘yung nabigyan na ng “cease and desist” order ng DENR, bilang na ang mga oras ninyo!

Tayo ay nababahala sa pahayag ni Sec. Cimatu na aabot sa halos 1.3 bilyon ang coliform level sa naturang mga estero ngunit, napababa na nila ito sa 10 milyon. Nakababahala at hindi ito ligtas sa marami nating mga kababayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page