Ano ang tunay na kahulugan ng ‘radical love’?
- BULGAR
- Jul 14, 2019
- 2 min read
GAANO kalalim ang pagmamahal natin sa ating mga magulang, kapatid, anak, kaibigan, kapatid sa pananampalataya, kababayan at higit sa lahat, sa Panginoong Diyos?
Paano nasusubukan ang ating pagmamahal at ano ang mga pagsubok na mahirap harapin at malampasan?
Nasagot ang mga tanong na ito ng aktres na si Cherry Pie Picache, kakaiba ang pinagdaanan at tugon niya rito kaya nagkaroon ng dokumentaryo tungkol sa mabigat at masakit na yugto sa kanyang buhay. Pinamagatang Radical Love ang dokumentaryo at ipinalabas ito noong nakaraang linggo.
Noong Setyembre 2014, nag-iisa sa bahay ang kanyang ina na si Zenaida Sison nang dumating ang kasambahay nitong si Michael Flores at kasunod nito ang ilan pang kasama ni Flores na pinagtulungang nakawan ang matanda.
Pagkatapos nakawan ang matanda, sinaksak ito ng 32 beses. Natagpuan ni Cherry Pie ang kanyang ina sa kalunus-lunos nitong kalagayan. Bagamat matanda na, malakas ang pangangatawan nito, maganda ang kanyang kaugnayan sa kanyang ina kaya napakahirap maunawaan ang damdaming dumagok kay Cherry Pie.
Ayon sa kanya, halos isang taon siyang tumigil sa pag-aartista at hindi dumalaw sa preso bilang advocate ng Restorative Justice. Ang matibay na haligi ng Restorative Justice ay kapatawaran, kinakailangan niyang mapag-isa at pumasok sa kailaliman ng kanyang sarili at itanong kung kaya niyang patawarin ang taong pumatay sa kanyang ina.
Makaraan ang limang taon, pumunta si Cherry Pie sa New Bilibid Prison noong nakaraang Marso upang harapin ang taong pumatay sa kanyang ina. Nang nagharap sila, walang masabi si Cherry Pie kundi “kinuha mo sa akin ang mommy ko.” Humingi ng tawad sa kanya si Michael at nangyari ang mahirap paniwalaan ng marami na posible, pinatawad ng nagmamahal na anak ang taong pumatay sa kanyang ina.
Salamat sa pananampalataya sa Diyos, ang Panginoong Diyos ay puno ng awa at kapatawaran. Kapwa Niyang kinakalinga ang biktima, pamilya at kaibigan nito kasama ng sanhi ng paglapastangan sa buhay at dangal ng biktima.
Malaki ang naitulong kay Cherry Pie ng kanyang aktibong pagtangkilik sa “Restorative Justice” dahil sa kanyang hayagang pagtutol sa parusang bitay at anumang uri ng karahasan. Legal man ito, hindi ito nangangahulugang moral o ayon sa banal na kalooban ng Diyos. Napakaraming halimbawa ng mga nahatulan at binitay na inosente. Hindi malayong mangyari ito sa ating bansa.
Ang pag-ibig ng Diyos ay radikal o tunay at walang hanggan. Nakapagpatawad si Cherry Pie dahil sa kanyang malalim na kaugnayan sa Diyos. Ipagdasal nating ipakita at ipadama ng Diyos ang kanyang ‘radical love’ sa lahat ng mambabatas sa Kongreso at Senado upang sa halip na kamatayan at paghihiganti ang kanilang isulong, matutunan nilang ituro ang paggalang sa buhay at kapangyarihan ng awa, kalinga at kapatawaran.
Comments