![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_39add235348c4f2c92691469425327b8~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5376bf_39add235348c4f2c92691469425327b8~mv2.jpg)
INIUTOS na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagkumpiska sa lahat ng Cosmic Carabao Gin matapos makumpirmang mayroon itong mataas na antas ng methanol.
Sa abisong ipinalabas ng FDA, ipinatitiyak nito sa lahat ng local government units at law enforcement agencies na hindi na maibebenta ang produkto sa lahat ng kanilang nasasakupan, kahit pa sa online.
Binigyang-diin ng FDA na walang certificate ng product registration ang Cosmic Carabao Gin o hindi ito dapat ipinagbibili ng kumpanyang Juan Brew, Incorporated.
Muling nagpaalala ang ahensiya sa mga konsiyumer na maging maingat sa pagbili ng mga alak lalo na ang mga produktong may malabong label o sira ang selyo.
Ang nasabing hakbang ay kasunod na rin ng napaulat na pagkahilo at pagsusuka ng dalawang babae matapos makainom ng Cosmic Carabao Gin.
Isa umano sa mga biktima ay namatay.
Nauna na ring nakatanggap ng ulat si FDA OIC Eric Domingo mula sa National Kidney and Transplant Institute na ang isa sa mga biktima ay nalason sa methanol.
Ang methanol ay isang uri ng kemikal na nakikita sa ilang household products at langis para sa eroplano.
Tinukoy ng FDA ang ilan sa mga sintomas ng pagkalason sa methanol kabilang ang pananakit ng ulo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, hyperventilation, hirap makahinga at kapag malala ay posibleng magdulot ng pagkabulag.