Mga bagay na nakaaapekto sa amoy ng hininga
- BULGAR
- Jul 5, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
May pagkakataon na napapansin kong mabaho ang aking hininga. Bakit ba may mga taong mabaho ang hininga kahit kumpleto naman ang kanilang mga ngipin at regular silang nagsesepilyo, ano ba ang sanhi nito? — Paul
Paul,
Ang mabahong hininga ay tinatawag na halitosis sa terminolohiyang medikal. Ang mabahong hininga ay maaaring nagmumula sa bibig mismo at sa dila. Dahil ito ay nakababagabag at nakahihiyang kondisyon, maaari itong magdulot ng emotional stress at pagkabalisa.
Narito ang ilan sa mga bagay na nakaaapekto sa amoy ng hininga:
Pagkain — ito ay maaaring makaapekto sa hininga ng tao. Ito ay dahil sa mga kemikal at substansiyang makukuha sa mga pagkain sa oras na nagsimula ang proseso ng digestion sa bibig.
Sigarilyo — ang kemikal na nakukuha sa paghitit ng sigarilyo ay maaaring kumapit sa bibig at magdulot ng hindi kanais-nais na amoy. Maaari itong magdulot ng sakit sa gilagid na sanhi ng mabahong amoy.
Hindi tamang hygiene — kung hindi magsesepilyo, tiyak maiipon ang tinga sa mga ngipin, dila at iba pang bahagi ng bibig na siyang pinupugaran ng bacteria na nagdudulot ng masamang amoy.
Tuyong bibig — ang pagiging tuyo ng bibig na karaniwang kondisyon sa paggising sa umaga o ‘panis na laway’ ay dahilan din ng pagkakaroon ng mabahong hininga. Ang laway ay tumutulong upang mapanatili ang malinis na bibig mula sa umaatakeng bacteria.
Mga sakit at kondisyon sa bibig — ang ilang kondisyon sa bibig na dulot ng impeksiyon o sugat ay maaaring magdulot ng mabahong hininga. Ang bulok na ngipin, pagsusugat ng gilagid o gingivitis at mouth sores o singaw ay nakadaragdag sa mabahong amoy.
Iba pang kondisyon sa katawan — May ilang sakit na nakaaapekto sa daluyan ng pagkain tulad ng esophagus at tiyan pati sa daluyan ng hininga na maaaring magdulot ng mabahong amoy. Halimbawa, kung nakararanas ng acid reflux mula sa tiyan, maaari itong magdulot ng mabahong amoy.
Comments