
UMASA ang Bacoor kay reigning Most Valuable Player Gab Banal, na nakagawa ng back-to-back triples sa krusyal na oras at gapiin ang Pasig, 73-64 sa MPBL Lakan Season na idinaos sa Caruncho Sports Complex sa Pasig City noong Biyernes ng gabi.
Habang nangangapa pa ang team, si Banal na ang bumanat sa opensa. Nakapagpakawala ng basket sa 1:46 na huling minuto sa final quarter upang bigyan ang Strikers ng 68-62 lead para dalhin sa ikatlong panalo ang Bacoor.
Umibayo na ang win-loss record na 3-1 ng Bacoor upang umangat sa third spot ng southern division team standings. Tumapos na may 17 puntos si Banal, 6 rebounds at 4 assists habang si MPBL All-Star Ian Melencio ay may 12 nang gupuin ng Bacoor ang Sta. Lucia Realtors-backed Pasig squad sa ikalawang talo sa kabuuang tatlong laro.
Sa unang laban, binigo ng Biñan City ang Cebu, 85-81 sa overtime habang wagi ang Bicol kontra Marikina, 86-67. Inasahan ng Krah-Heroes si veteran guard Allan Mangahas na may triple-double performance.
Ang local boy ng San Pedro na isang minuto ang layo sa Biñan ay nakagawa ng 24 points, 13 rebounds at eight assists. May naiambag din si Kyle Neypes na 12 puntos para sa Heroes na umibayo ang win-loss record sa 2-2. Nagbalik sa winning track ang Bicol makaraang gupuin ang Marikina Shoemasters nang pangunahan ni Ronjay Buenafe ang bakbakan para sa expansion squad na Volcanoes. (VA/MC)