NAGKASUGAT-SUGAT sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang lalaki makaraang sumabog ang ginagawa nitong improvised water tank kamakalawa ng gabi sa Ermita, Manila. Ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Ricky Gallego, nasa hustong edad dahil sa mga sugat sa katawan sanhi ng pagsabog.
Ayon sa Manila Police District Station 5, alas-6:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa 2nd floor fire exit ng Gedesco building.
Nauna rito, gumagawa ang biktima ng improvised water tank sa gusali kung saan hindi umano niya alam na may residue at fumes pa pala ng fruit extract distilate ang drum kaya habang ipinapasok niya ang sinunog na pvc pipe sa container ay bigla na lang itong sumabog.
Nasabugan umano ang biktima na naging sanhi ng pagkasugat ng katawan nito.
Agad namang isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa nabanggit na ospital.