top of page
Search
  • BULGAR

Dahilan ng pagkakaroon ng bingot ng sanggol

Dear Doc. Shane, Mayroong bingot ang aking anak, siya ay dalawang buwan pa lang. Gusto kong malaman kung ano ang magandang gawin para sa kondisyong ito, gayundin, paano nagkakabingot ang sanggol? Salamat. — Giane

Sagot Ang ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip) ay dalawang kondisyon na madalas ay magkasama dulot ng hindi normal na pagkakabuo ng mukha habang ang sanggol ay nasa matris pa o isang ‘congenital deformity’. Sa bingot, hindi kumpleto ang itaas na labi at parang may butas o hiwa sa gitna na maaaring umabot sa ilong. Sa ngongo, ang gilagid ang hindi kumpleto at parang may butas o hiwa sa gitna. Bukod sa pagbabago ng anyo ng mukha, ang mga kondisyong ito ay nagdudulot ng problema sa pagsasalita.

Ano ang sanhi ng ngongo at bingot?

Mayroong mga pag-aaral na nagsasabing maaaring nasa dugo (genetic) ang pagkakaroon ng ngongo, maaari ring dahil ito sa ilang mga bagay tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak ng nanay. Sa kabila nito, maraming kaso ng ngongo at bingot ang walang klarong eksplanasyon at maaaring magkaroon ng sanggol na ngongo at bingot ang mga normal na magulang.

Paano gamutin ang ngongo at bingot? Ang tanging lunas sa ngongo at bingot ay ang pagsasagawa ng operasyon upang maretoke ang apektadong labi at gilagid. Maraming surgeon ang pabor na gawin ang operasyon para sa bingot sa ika-10 linggo mula sa kapanganakan ng sanggol. Ang ngongo naman ay makalipas lang ang ilan pang buwan. Ang pag-schedule ng operasyon ay nakadepende rin sa kondisyon ng sanggol at kung gaano kalala ang pagkabingot o pagkangongo. Maaari ring dalawa o higit pang operasyon ang isagawa, depende sa kondisyon.

Bago ang operasyon, mahalagang magabayan sa wastong paraan ng pagpapasuso o pagpapakain sa sanggol.

Dahil sa mahabang karanasan ng mga eksperto sa pag-oopera ng bingot at ngongo, malaki ang posibilidad na maretoke ang ngongo at bingot at maibalik sa normal ang sanggol. Para masigurado ang pinakamagandang resulta, mahalagang magawa ang regular na follow-up sa mga doktor ng batang may bingot o ngongo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page