top of page

Dahilan ng pamamaga at pagluluha ng mga mata

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 12, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ako ay empleyado sa pawnshop, ang problema ko ay namamaga, nagmumuta at nagluluha ang aking mga mata. Naiirita ako dahil napapansin na ito ng mga kliyente namin. Ano kaya ito at ano ang dapat kong gawin para rito? — Shantal

Sagot Ang pamamaga ng mga mata dahil sa virus (sore eyes, viral conjunctivitis, conjunctivitis, pink eye at madras eye) ay ang pamamaga ng mga mata dahil sa impeksiyon dulot ng virus. Bagaman, karaniwang sanhi ng virus, ang pamamaga ng mga mata ay maaari ring dahil sa bakterya na tinatawag bilang conjunctivitis na bakteryal o pamamaga ng mga mata dahil sa bakterya (bacterial conjunctivitis).

Ang sakit na pamamaga ng mga mata dahil sa impeksiyon ng virus ay kinakikitaan ng pamumula ng mga mata na mayroong pagtutubig, pagluluha (epiphora), pangangati at paghapdi (pruritis). Maaari ring magkaroon ang taong may ganitong pamamaga ng mga mata ng kasamang pamamaga ng mga kulani (lymph node) sa bahagi ng mga tainga. Maaaring magsimula muna sa isang mata ang pamamaga na hahawa naman sa isa pang mata. Sa ganitong uri ng pamamaga, walang paglabo o pagdidilim ng paningin at wala ring ibang anumang pagbabago sa paningin ng may sakit. Kailangan agad itong ikonsulta sa ophthalmologist kapag nagkaroon ng nana ang mga mata, lumalabo ang paningin at hindi nawala ang mga sintomas ng pamamaga ng mga mata sa loob ng mahigit isang linggong katagalan sapagkat ito ay maaaring pamamaga at impeksiyon ng mga mata na sanhi ng bakterya.

Bukod sa paglabo, pagdilim at pagbabago sa paningin, ang pamamaga at impeksiyon ng mga mata dahil sa bakterya ay kinasasangkutan ng pagnanana ng mga mata at pagkakaroon ng lagnat.

Walang gamot para sa uri ng pamamaga ng mga mata na sanhi ng virus dahil nawawala ito nang kusa sa katagalan. Subalit, matutulungan ang pasyente na maibsan o mabawasan ang pangangati at pagkirot ng mga mata sa pamamagitan ng paglalagay ng cold compress o malalamig na mga pandampi sa mga mata tulad ng bimpong mamasa-masa at malamig.

Gayundin, kabilang sa pag-iwas na maihawa ang impeksiyon sa mga mata ang hindi paghawak at hindi pagkamot ng mga mata, ang palaging paghuhugas ng mga kamay na gumagamit ng malinis na tubig at sabon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page