NAGBANTA ang Philippine National Police (PNP) na isasailalim sa “Oplan Katok” ang brodkaster na si Erwin Tulfo kapag hindi nito isinuko ang kanyang mga armas.
Kasunod ito ng natukoy ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) na pagka-paso o expiration ng license to own and possess firearms (LTOPF) ni Tulfo.
Nabatid mula kay PNP-FEO Director Police Brigadier General Val de Leon na may pitong armas na nakarehistro sa pangalan ng mamamahayag.
Kung nais naman umano ni Tulfo na isuko ang mga armas, pupuwede itong magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
Paliwanag ni Police Colonel Bernard Banac, unang hakbang ng Oplan Katok ang ginawang pagliham ng abiso ng FEO kay Tulfo.
Kung dededmahin lamang aniya ito ni Tulfo ay kakatukin na nila ang bahay ng brodkaster para himukin siyang isuko ang mga baril.
Kapag hindi pa rin aniya tutugon si Tulfo ay isisilbi na rito ng PNP ang search warrant.
Paglilinaw naman ng PNP-FEO, hindi expired ang lisensiya ng mga baril ni Tulfo kundi ang kanyang LTOPF lamang dahilan para ipabawi muna ang mga armas nito para sa safekeeping.