DUMEPENSA ang Malacañang sa naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakla siya noon at nagamot niya ito nang makilala ang kayang partner na si Honeylet Avanceña.
Umani kasi ng batikos mula sa ilang miyembro ng LGBT community ang naging biro na ito ng pangulo sa harap ng Filipino community sa Japan.
“Baka naman ang ibig sabihin niyang gamot, eh, nagpalit ako ng sexual orientation ko. Baka hindi naman iyong ganoon ang ibig niyang sabihin. But let me say that the president is always conscious on not offending the sensibilities of these special classes. Ano siya, eh, mabait na tao si presidente, eh,” paliwanag ni Panelo.
Sa gitna ng kanyang talumpati, tinanong din ni Duterte ang mga overseas Filipino worker kung bakla nga ba ang kanyang kritiko na si Senador Antonio Trillanes IV. Nagbiro pa si Duterte na pareho sila ni Trillanes, ngunit, nagamot nito ang kanyang sarili dahil sa magagandang babae.
“Mabuti na lang nagamot ko ang sarili ko,” sabi ni Duterte.
“Nu’ng nakita ko si Mutya, sabi ko, ito na, naging lalaki ako uli,” ayon sa pangulo kung saan ang tinutukoy nito ang kanyang partner na si Avanceña, na 1988 Mutya ng Dabaw runner-up.
Una nang nanindigan ang World Health Organization at American Psychiatric Association na ang homosexuality ay ikunokonsiderang sexual orientation at hindi disorder o sakit.