NANATILI ang Pilipinas sa trono ng Division 1 matapos nitong itodo ang tikas at lakas at daigin ang Singapore sa iskor na 29-21 noong Sabado ng gabi sa 2019 Asia Rugby Championship sa Taipei Municipal Stadium ng Taiwan.
Dahil dito, pinatunayan ng Pilipinas na hindi tsamba ang dominasyon nito kontra sa Singapore at sa pulutong ng mga kalahok sa Division 1 noong isang taon.
Sa finals noong 2018, Singapore din ang ginawang tuntungan ng bansa noong finals para makuha ang 2018 diadem.
Matatandaang nakarating sa championship round ng 2019 ang mga Volcanoes, sa pangunguna nina coach Stu Woodhouse at skipper Daniel Bembo Matthews, matapos umangkla sa panalo nila sa semifinals kontra sa Sri Lanka Tuskers, 39-22.
Galing sa 8-10 na pagkadehado, nakabawi ang Pilipinas para manguna sa halftime, 15-10.
Mula rito ay napanatili nila ang kalamangan hanggang sa matapos ang sagupaan.
Dehado ang Pilipinas sa sagupaang nabanggit dahil sa world rankings, nasa pang-53 lang ang Pilipinas habang ang Sri Lanka ay nakaupo sa pang 44 baytang.
Samantala, sa kabilang hati ng final 4 na mga engkuwentro, hinablot ng mga Singaporeans ang huling upuan sa championship face-off sa tulong ng isang 18-13 na pag-angat laban sa punong-abalang Chinese Taipei.
Sa bakbakan para sa pangatlong puwesto, pinagbuntunan ng Sri Lanka ang Chinese Taipei, 72-17, para mabawasan ng bahagya ang pagkabigo ng mga Tuskers na makapasok sa championship round matapos tumiklop sa Pilipinas noong Miyerkules.
Ang pagpapanatili sa trono ng Division 1 sa Asya ay pangalawang highlight na para sa Philippine Rugby ngayong 2019.
Matatandaang nakapagposte ng makasaysayang quarterfinals stint sa World Rugby Championships Qualifiers ang mga Volcanoes kamakailan dahil sa pagpapabagsak sa Zimbabwe Sables.
Sa naturang panalo, nagpakita rin ng pamumuno si Matthews.