PINATAOB ng Pilipinas ang mas pinapaborang karibal mula Sri Lanka sa iskor na 39-22 upang mapanatiling makinang ang paglalakbay ng bansa tungo sa puntiryang hindi maagawan ng trono sa Division 1 ng prestihiyosong continental joust na binansagang Asia Rugby Championship sa Taipei Municipal Stadium ng Taiwan.
Sa kabilang hati ng semifinals, dinurog ng Singapore ang puso ng punong-abala na Chinese-Taipei, 18-13, para makuha ang karapatang makaharap ang Pilipinas sa finals.
Ang tagumpay ng grupo na tinatawag ding Volcanoes, ay pang 53 lang sa world rankings dahil sa nakulektang 47.37 puntos, kontra sa Tuskers, nakaupo sa pang 4x4 na baytang dala ang 45.16 puntos, ang nagtulak sa mga bata nina Philippine head coach Stu Woodhouse at team captain Daniel Bembo Matthews papunta sa tsansang mapanatili ang trono. Dahil na rin sa panalo, ang head-to-head na banggaan ng dalawang bansa simula pa noong 2012 ay patas na sa rekord na 3-3.
Ginamit ng Pilipinas ang matinding buwelo na nakuha nito sa magandang kampanya sa nakalipas na taon at nakalipas na mga buwan. Katatapos lang magrehistro ng Volcanoes ng kasaysayan dahil sa pagpasok nito sa pinakaunang pagkakataon sa quarterfinals ng HSBC World Rugby Series Qualifiers sa Hongkong. Ito ay naisakatuparan nang pataubin ng Pilipinas ang Zimbabwe Sables sa huli nilang laro sa world stage sa iskor na 24-12. Ang tagumpay ay mas nakabibilib matapos silang maiwanan sa iskor na 0-5.