AAPAW ang masasayang alaala ng nakaraan sa pagbukas ng UNTV Cup PBA Legends Faceoff sa Hunyo 2 sa Pasig Sports Center simula 12:00 ng tanghali. Apat na koponan ng mga alamat ng San Miguel Beer, Barangay Ginebra, Purefoods at Alaska ang magtatagisan para sa tumataginting na P1-M at para tumulong sa PBA Legends Foundation.
“Gusto naming mag-iwan ng legacy sa pagtulong sa mga kapwa player na nangangailangan,” wika ni PBA legend Atoy Co na tatayo ring Commissioner ng torneo sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. “Maliban kay Samboy Lim, may ilan din kaming naabutan ng tulong gaya ng mga dating player na may sakit at kailangang ma-ospital.”
Ang torneong ito ay bunga ng tagumpay ng “Return of the Rivals” noong Pebrero kung saan nagtanghal ng dalawang laro sa Araneta Coliseum tampok ang apat na binanggit na koponan. Nakalikom ito ng P3-M kaya hindi nag-atubili na ulitin ito sa mas malaki at malawak na paraan.
Karamihan ng mga naglaro noon ay babalik para maghatid saya sa kanilang mga tagahanga. Pangungunahan ang Purefoods ni Alvin Patrimonio, Jerry Codinera, Glenn Capacio at Dindo Pumaren sa unang laro kontra San Miguel Beer nina Bong Alvarez, Nelson Asaytono, Olsen Racela at Danny Seigle. Susundan agad ito ng sagupaan ng Alaska at Ginebra. Nasa Alaska ang Grand Slam team na sina Jojo Lastimosa, Bong Hawkins, Poch Juinio at Johnny Abarrientos kontra sa Ginebra nina Pido Jarencio, Marlou Aquino, Willie Miller at Jayjay Helterbrand.
Ang torneo ay tatagal ng single round at ang dalawang pinakamataas ang kartada ay maglalaro sa championship. Ang mga laro ay gaganapin tuwing Linggo sa Pasig subalit ang championship ay gaganapin sa Araneta Coliseum.