GAMITIN, palawakin at paunlarin. Ito ang dapat nating gawin sa ating wika.
Dahil dito, nakatakdang umapela ang Alyansa ng mga Tagapagtangol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang bahagi ng core subjects sa kolehiyo.
Ayon sa Tanggol Wika, bagama’t, bawal sa ilalim ng rules of court, maghahain sila ng ikalawang motion for reconsideration at hindi hihinto hanggang sa matigil ang anila’y ginagawang ‘cultural genocide’ ng Korte Suprema.
Giit pa ng Tanggol Wika, batay sa Saligang-Batas, dapat isama sa pag-aaral ang Konstitusyon, Panitikan at Filipino sa anumang curriculum sa lahat ng educational institutions.
Ayon sa SC, malawak ang isinasaad ng Konstitusyon tungkol sa pagsasama ng tatlong asignatura sa curriculum at hindi pa tiyak kung saang antas ito dapat ituro.
Bagama’t, itinuturo ito sa elementarya at sekondarya, marami pa ring Pinoy ang nangangailangan ng karagdagang kaalaman dito.
Kung tuluyan itong tatanggalin sa kolehiyo, paano ang mga estudyanteng kumukuha ng mga kursong may kaugnayan dito?
Malaking sampal sa ating mga Pinoy ang pag-aaral ng iba’t ibang lengguwahe kung hindi natin magamit nang tama ang ating sariling wika.