PATUNG-PATONG na kaso ang kinahaharap ng lalaking naging viral ang video ng pagmamaneho ng kotse habang siya ay nasa passenger seat.
Tinukoy ng Department of Transportation (DOTr) ang drayber na si Miko Lopez.
Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) si Lopez na idiniriin sa mga kasong reckless driving, illegal modification (removing the steering wheel), not wearing seatbelt at improper person to operate a motor vehicle.
Ayon pa sa DOTr, babawiin ang driver’s license ni Lopez at diskuwalipikado na siyang kumuha ng lisensiya sa hinaharap.
Sa video, makikitang nakaupo sa passenger seat si Lopez at gamit nito ang kanyang kaliwang kamay sa paghawak sa manibela habang nakatapak ang kaliwang paa sa mga pedal.
Makikita rin na binibitawan nito ang manibela para manigarilyo sa loob.
“Lahat ng bawal ginagawa ko,” maririnig pang sinabi ni Lopez sa taong kumukuha ng video.