GINUNITA ng Philippine Army ang ikalawang taong anibersaryo ng Marawi Siege, ang giyera ng tropa ng gobyerno at teroristang Maute at Abu Sayyaf Groups.
Kasabay nito ang pagkilala sa mga sundalong nagbuwis ng buhay para makamtan ang kalayaang muli ng taga-Marawi.
Nagtipon para sa seremonya ang mga aktibo at retiradong opisyal at tauhan ng militar sa Marawi Pylon sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Army Commanding General Lt. Gen. Macairog Alberto, hindi makalilimutan ang mga sundalong nag-alay ng buhay sa paglaban sa mga terorista.
Nagsama-sama ang mga sundalo at kaanak ng mga nasawing sundalo sa isang picnic matapos ang seremonya.
Tumagal ng limang buwan ang giyera sa Marawi na nagresulta sa pagkasawi ng 1,000 sibilyan at 165 sundalo. Ang tinaguriang Siege of Marawi ay ang pinakamatagal at madugong urban warfare na naganap sa kasaysayan ng bansa.
Oktubre 17, 2017 nang pormal na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbawi o liberation ng Marawi City mula sa kamay ng teroristang Maute at ASG.