Sintomas ng sakit sa matris
- BULGAR
- May 17, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mula nang magkahiwalay kami ng tatay ng anak ko, ngayon lang ako ulit nagka-boyfriend. Almost 6 years na akong single-mom, gayunman, ang ipinagtataka ko kahit malaki na ang aking anak ay sumasakit pa rin ang aking ari sa tuwing kami ay nagtatalik ng bago kong BF. Normal ba ito dahil wala naman akong vaginal discharge? Anong sakit ba ang karaniwang nagaganap sa loob ng matris? — Helen
Sagot
Ang uterus o matris ay organong hugis-peras na nasa bandang puson, sa pagitan ng pantog at rectum. Kasama nito ang puwerta, mga obaryo at lagusan ng itlog na bumubuo sa sistemang reproduktibo ng kababaihan. Ito ay tinatawag ding sinapupunan o bahay-bata
Ito ay korteng kono, sa magkabilang itaas na bahagi nito ay nakabukas ang fallopian tube para makatanggap ng mga itlog. Ang pinakaibabang bahagi naman ay bumubuka papuntang puwerta.
Nahahati sa dalawang bahagi ang matris. Ang mas malapad na pang-itaas na bahagi ay ang katawan ng matris (corpus uteri) at ang makitid na ibabang bahagi ay ang cervix o sipit-sipitan. Sa pagitan ng dalawang bahaging ito ay tinatawag na isthmus at ang pinakaitaas naman sa pagitan ng fallopian tubes ay ang fundus.
Nagbabago ang hitsura, laki at sitwasyon ng matris sa iba’t ibang yugto ng buhay ng babae at sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan.
Habang nabubuo pa lamang ang sanggol, nasa loob ang matris ng abdominal cavity at mas malaki ang cervix kaysa sa katawan. Bumababa rin ito sa tamang lugar at nagiging tamang laki.
Sa pagdadalaga, ang matris ay hugis-tatsulok na at may bigat na 14 hanggang 17 gramo. Bumababa na ito sa balakang.
Sa pagsapit ng tamang edad, ang posisyon ng matris ay nagbabago ayon sa kondisyon ng pantog at rectum. Kapag walang laman ang pantog, nakaposisyon palabas ang matris, halos nakatupi sa sarili at nakapatong sa pantog. Habang napupuno ang pantog, unti-unting tumatayo ang matris hanggang sa makaposisyon paloob papuntang likod.
Kapag buwanang regla, namamaga ang matris, mas nagiging vascular at namimintog ang ibabaw. Ang panlabas na bukana ay mas bilugan, namamaga ang labia at ang lining membrane ng katawan ay mas makapal, malambot at may madilim na kulay.
Sa pagbubuntis, lumalaki nang husto ang matris at pagdating ng pangwalong buwan, umaabot sa rehiyong epigastric. Dala ito ng paglaki ng mga kalamnan at pagbuo ng panibagong fibers.
Halos bumabalik sa dating laki ang matris matapos manganak ngunit, ang looban ay mas malaki kaysa sa dati, mas balubaluktot ang mga daluyan ng dugo at mas tukoy ang mga kalamnan. Mas markado ang panlabas na butas at may mga bakas ng mga bitak.
Sa pagtanda, lumiliit ang matris, nagiging mas makapal, mapusyaw ang kulay at nakikita ang pagkakahiwalay ng katawan nito at ng sipit-sipitan.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sakit nito:
Depektong congenital o minana
Impeksiyon
Pelvic inflammatory disease (PID)
Fibroid
Leiomyoma
Endometriosis
Adenomyosis
Mga hormonal imbalance
Polyps
Dysplasia
Endometrial hyper plasia
Buwa
Uterine rupture
Uterine atony
Kanser
Narito ang ilan sa mga sintomas nito:
Pagdurugo matapos makipagtalik.
Mabigat na pagdurugo tuwing may regla o sa pagitan ng buwanang regla.
Hindi maipaliwanag na pananakit ng pelvis.
Para sa mga kondisyong dulot ng panganganak tulad ng uterine rupture at atony, karaniwan ang kawalan ng paghilab at pagkakaroon ng mabigat at hindi mapigilang pagdurugo at sakit.
Comments