Home remedies para mawala ang anghit
- BULGAR
- May 14, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong katrabaho na sa palagay namin ay may body odor. Sa totoo lang, kapag dumaraan o pumupunta siya sa puwesto namin ay nangangamoy talaga. Gusto ko siyang bigyan ng payo dahil matagal ko na rin siyang nakatrabaho at nakakaawa dahil iniiwasan siya ng ibang officemate namin. Maaari bang pakitalakay ninyo ang ilang posibleng gamitin o home remedies para mawala ang mabahong amoy sa kilikili? — Pai
Sagot
Lahat tayo ay puwedeng magkaroon ng mabahong amoy sa kilikli o anghit, lalung-lalo na sa mga taong pawisin
Kapag may pawis, lapitin ito ng bakterya na nagpapabaho ng katawan at mga singit-singit tulad ng kilikili.
Narito ang ilan sa home remedies para sa mabahong kilikili:
Baking soda — nakatatanggal ng putok ang baking soda dahil may kakayahan itong mag-absorb ng moisture sa katawan kaya nakasisipsip ito ng pawis at may kakayahan din itong patayin ang mga bakterya na sanhi ng mabahong kilikili. Para gamitin ang baking soda na pantanggal ng mabahong kilikili, ipahid lamang ito na parang tawas matapos maligo.
Kalamansi — napag-alaman na ang kalamansi ay anti-perspirant o nagpipigil ng pag-produce ng maraming pawis at ang mga prutas na mayaman sa Vitamin C tulad ng kalamansi ay mayroong anti-bacterial properties kaya pumapatay din ito ng bacteria. Para gamitin ang kalamansi bilang pantanggal ng anghit, maghiwa lang ng kalamansi at ikuskos ito sa kilikili pagkatapos maligo at hayaan itong matuyo sa loob ng 2-3 minuto bago banlawan.
Tawas — ang pinakasikat na anti-anghit noong hindi pa uso ang mga commercial deodorant. Hindi anti-perspirant ang tawas, pero nakapapatay ito ng bakterya.
Lemon na may iodized salt — dahil citrus fruit ang lemon tulad ng kalamansi, nakapapatay din ito ng bacteria habang ang asin naman ay may antibacterial properties kaya puwede rin itong pantanggal ng anghit.
Apple cider vinegar — mayroon ding antibacterial properties ang apple cider vinegar kaya puwede rin itong panggamot sa mabahong kilikili. Nagbabalanse rin ito ng pH level ng kilikili kapag ipinahid. Para gamitin ang apple cider vinegar o white vinegar bilang pantanggal ng anghit, ipahid lamang ito gamit ang bulak pagkatapos maligo.
Patatas — nakaa-absorb din daw ng moisture ang patatas. Kung walang pawis, walang bakteryang maglalagi sa kilikili. Para gamitin ang patatas, hiwain lamang ito at ikuskos sa kilikili at hayaang matuyo.
Dahon ng malunggay — ang katas ng dahon ng malunggay ay may chlorophyl na epektibong deodorizer na nakapagpapawala ng body odor at bad breath.
Comments