top of page
Search

Filipino subject at Panitikan, mahalagang matutunan ng kabataan

Win Gatchalian

NAGING usapin ang tungkol sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum No. 20, Series of 2013 o ang “General Education Curri­culum Holistic Understandings, Intel­lectual and Civic Com­petencies” kung saan hindi isinama sa pagtuturo sa ko­lehiyo ang subject na Filipino, Panitikan at Konstitusyon ng Pilipinas.

Ito ay masasabing malaking bahagi sa kinabukasan ng kabataan dala ng iba’t ibang kadahilanan.

Sa pag-aaral ng iba’t ibang uri ng lokal na Panitikan, nabibigyan ang mga estudyante ng ins­pirasyon, pag-asa at karunungan sa pag­gawa ng wastong mga desisyon para lakas-loob nilang makamit ang kanilang mga pa­ngarap at gampanin sa buhay.

Bukod pa rito, tulay din ito para mas ma­pahalagahan nila ang sarili nating kultura at kasaysayan.

Sa antas na ito ay lubusang nabubuo at lumalalim sa bawat estudyante ang kanyang pananaw sa mundo, natututong pahalagahan ang kaugalian at tradisyon ng lipunan at ma­ging maalam sa kasalukuyang sistema ng bansa.

Bilang mga Pilipino, dapat lamang ma­turuan ang kabataang mag-aaral na mag­karoon ng sapat at malalim na kaalaman at kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino upang maisalin nila ito sa kanilang panini­wala, kilos at pananalita.

Bukod pa rito, magiging mahirap ito para sa mga guro sa kolehiyo dahil mahigit 10,000 sa kanila ang sinasabing maaaring maapek­tuhan sa pagbabagong ito dahil hanggang senior high school na lamang maituturo ang Filipino subject. Kung hindi sila mawalan ay mababawasan naman sila ng teaching load o kaya ay mailipat sa ibang departamento o eskuwelahan.

Umaasa tayong magsasagawa muna ng masinsinang konsultasyon at pag-aaral ang ating pamahalaan upang lubos na maunawa­an ang ganitong mga desisyon bago pa man tuluyang ipatupad dahil edukasyon ng susu­nod na henerasyon ang nakasalalay dito.

Mainam pa rin na pakinggan ang lahat ng panig mula sa Commission on Higher Education (CHED), Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), mga eksperto sa wikang Filipino at Panitikan, guro, estudyante at maging ang kanilang mga magulang.

Sa ating opinyon, mahalaga na magtuluy-tuloy ang pagtuturo ng subject na Filipino at Panitikan sa mga paaralan mula elementarya hanggang sa kolehiyo.

Sa pag-aaral at pagpapahalaga nito, tiyak na nahuhubog ang hukbo ng makabayang kabataan. Paano nila maiintindihan ang kasaluku­yang kalagayan at kinabukasan ng ating bansa kung hindi sapat ang pagkilala at kaalaman sa sariling atin?

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

1 comment

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page