Babaeng hindi kayang hiwalayan ang asawa na maraming bisyo
- ROMA AMOR
- May 14, 2019
- 2 min read

Dear Roma,
Tawagin n'yo na lang akong Alicia, 26 years old. Nagsasama na kami ng BF ko at may isa na kaming anak. Nakatira kami sa bahay ng mga magulang niya dahil ayaw niyang pakisamahan ang aking pamilya. Ako ang naghahanapbuhay sa amin dahil lulong sa bisyo ang aking BF. Siya ang nag-aalaga sa anak namin dahil kahit may mga bisyo siya ay maalaga naman siyang ama. Ito ang labis kong hinahangaan sa kanya kaya kahit na ilang beses na akong pinahihiwalay sa kanya ng mga magulang ko dahil may mga pagkakataong sinasaktan niya ako at halos mapatay na ay hindi ko magawang iwanan siya dahil alam kong kung kailangan ako ng anak namin bilang ina, kailangan din siya bilang ama, lalo na at lumalaki na ang bata. Tama ba ang desisyon kong hindi makipaghiwalay sa kanya? — Alicia
Alicia,
Iha, ang maibibigay ng mga taong malapit at tunay na nagmamahal sa iyo ay mga payo, paalala, suhestiyon at babala lamang sapagkat ang huling desisyon ay nasa sa iyo pa rin. Ang iyong sitwasyon ay hindi madaling solusyunan, lalo pa at tila mahal mo nang sobra ang partner mo. Base sa iyong liham, sinabi mong may mga pagkakataong muntik ka na niyang mapatay at ikaw na rin ang nagsabing kailangan ka ng inyong anak. Base sa batas, kapag naghiwalay ang mag-asawa lalo na kung hindi naman kasal, ang bata ay mapupunta sa ina sapagkat naniniwala ang lahat na higit na kailangan ng bata ang ina kaysa sa ama. Kung sakaling ang mga away at sakitan ninyo ay humantong sa pagkawala ng buhay, hindi mo ba pagsisisihang maiwan ang anak mo sa taong nakapatay sa iyo? Kahit pa sabihing siya ang ama ng iyong anak, wala siyang karapatang saktan ka. Ang maipapayo namin ay dumulog ka sa ahensiya ng pamahalaang kumakalinga sa mga kababaihan at kabataan. Ang ginagawa sa iyo ng partner mo ay malinaw na kawalang- respeto sa iyo bilang babae at bilang ina ng anak niya. Tama ang iyong mga magulang, kung hahayaan mong patuloy kang saktan at abusuhin ng iyong partner, baka dumating ang puntong mawalan ka na rin ng respeto sa sarili mo. Habang maaga pa at may panahon pa, gumawa ka na ng aksiyon. Huwag mong sayangin ang buhay mo sa ganyang klase ng tao. Sadyang mahirap, ngunit, kung minsan na niyang nagawa, hindi na malabong maulit pa, kaya para sa kapakanan ng anak mo, kumilos ka na, iha! Muli, ang desisyon ay nasa sa iyo. God bless you!
Comentários