Dapat gawin kapag nagkaroon ng kuliti
- BULGAR
- May 12, 2019
- 3 min read
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong kuliti sa aking kanang mata at nang malapit na itong gumaling ay nagkaroon naman ako nito sa kabila pang mata. Sa totoo lang, naiirita at naiilang ako kasi pinagtitinginan at inaasar ako ng mga ka-officemate ko. Saan ba nakukuha ang kuliti at mayroon bang natural na paggamot dito? Minsan, parang trip kong tirisin ito para mapadali ang paghilom. — Nikolina
Sagot
Ang kuliti ay sakit na hindi gaanong seryoso ngunit, ang pagkakaroon nito ay maaaring maging lubhang nakaaabala sa pang araw-araw na mga gawain.
Ang kuliti o stye ay namumulang pantal kahawig ng taghiyawat na maaaring tumubo sa labas o sa gilid ng talukap ng mata. May ilang pagkakataon na ang kuliti ay maaaring tumubo sa mismong loob ng mga talukap ng mga mata.
Ang talukap ng mga mata ay naglalaman ng napakaraming oil glands na maaaring matakpan ng dumi sa katagalan. Kung ang mga oil glands na ito ay mabarahan ng dumi, ang mga mikrobyo tulad ng bakterya ay maaaring dumami sa loob. Ito ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng kuliti.
Ito ay kadalasang may kasamang sakit at pamamaga, abnormal na pagluluha. Pangkaraniwan itong nawawala pagkaraan ng 7–10 araw gamit ang simpleng pangangalaga sa loob ng bahay.
Narito ang ilan lamang sa maaaring gawin kung nakararanas ng kuliti:
Ugaliing maghugas ng mga kamay — ang palagiang paghawak sa mga mata ng maruruming kamay ay maaaring magdala ng mga mikrobyo sa mga mata na maaaring magbara sa oil glands o magpalala sa kuliti.
Huwag tirisin ang butlig — ang paglabas ng nana ay magpapakalat lamang ng impeksiyon. Hayaang kusang maalis ang kuliti o kaya ay magpunta sa doktor para ito na ang gumawa ng pagtanggal ng nana.
Gumamit ng malinis na tela — basain ang malinis na tela o bimpo ng maligamgam na tubig. Pigain ito para maalis ang sobrang tubig. Ilagay ang basang tela sa apektadong mata sa loob ng 5 – 10 minuto. Gawin ito nang tatlo hanggang apat na beses bawat araw.
Maging natural — huwag maglagay ng make-up para itago ang kuliti. Ang paglalagay ng make-up ay magpapatagal lamang sa proseso ng paggaling sa kuliti. Malamang na makakuha rin ng mga mikrobyo sa mga kagamitan sa pagme-make-up na puwedeng magkalat ng impeksiyon sa apektadong mata. Kung gumagamit ng contact lense, mas mainam na gumamit muna ng normal na salamin para maiwasan ang pagkalat ng impeksyon dahil sa contact lense.
Itapon ang mga lumang make-up — ang mga lumang make-up ay maaaring pugad na ng mga mikrobyo. Regular na hugasan ang mga brush at itapon ang mga make-up product na mahigit tatlong buwan nang ginagamit.
Gamitan ng teabag bilang hot compress — imbes na gumamit ng tela, maaaring gumamit ng teabag bilang compress. Ang green tea ay makatutulong upang maalis ang pamamaga ng kuliti at mayroon din itong sangkap na pumapatay sa bakterya. Magpakulo ng tubig at ilagay sa tasa ang teabag at hayaan ito sa loob ng isang minuto. Ilagay ito sa mata kapag medyo maligamgam na. Hayaan ito sa mata sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Gumamit ng magkaibang teabag sa bawat mata kung may kuliti rin ang kabilang mata
Gamot pangtanggal ng sakit — ang pag-inom ng ibuprofen ay nakatutulong na maibsan ang sakit na dala ng kuliti.
Kung ang kuliti ay mas lalo pang lumalaki at sumasakit at hindi mawala-wala sa loob ng ilang araw matapos gawin ang mga hakbang na nabanggit sa itaas, dapat nang sumangguni sa doktor. Kung minsan, ang kuliti ay kinakailangang tanggalin ng isang propesyunal.
Comments