top of page

Pangunahing dahilan ng pananakit ng balakang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 9, 2019
  • 3 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 47 years old at madalas kong pinoproblema ang pananakit ng aking balakang kaya minsan, hirap ako sa pagtayo sa kama dahil dito. Hindi pa ako makapagpa-check-up sa doktor dahil kulang ang budget ko, ano ang sanhi nito at mainam na gawin upang mawala o mabawasan ang kirot? — Virgie

Sagot

Tulad ng iba pang pangmatagalang pananakit o chronic pain, ang pananakit ng balakang ay mas madalas maranasan ng mga babae kaysa sa mga lalaki.

May mga pasyenteng nagsasabing sila ay may sakit na nararamdaman sa balakang kaya ibig nilang sabihin ay masakit ang kanilang likod o lowerback.

Narito ang ilan sa pangunahing mga dahilan ng pananakit ng balakang, lalo na sa kababaihan:

  • Arthritis — ito ang isa sa pangunahing dahilan ng pangmatagalang pananakit ng balakang sa kababaihan, partikular na ang osteoarthritis. Ang osteoarthritis ay sakit na dulot ng wear-and-tear o resulta ng pagtanda ng tao. Ang ball at socket sa kasukasuan ay nagsisimulang masira dahil sa pagtanda. Ang sakit na dulot ng arthritis ay kadalasang nararamdaman sa harap ng balakang dahil sa paninigas o pamamaga ng kasukasuan.

  • Pinsala sa balakang — ang fracture o pinsala sa balakang ay mas madalas sa mga matatanda, lalo na sa mga taong may osteoporosis o ang unti-unting pagnipis ng mga materyal sa mga buto. Ang mga sintomas ng pinsala sa balakang ay ang matinding pananakit kapag nag-uunat-unat, nagbubuhat ng mabigat o tumayo ng tuwid.

  • Tendinitis o bursitis — ang mga kalamnan ay ikinokonekta ng tendons sa kasukasuan. Ang tendons ay madaling mamaga kapag nasobrahan ng gamit, lalo na kung gumagawa ng nakapapagod na mga activity. Ang isa sa pangunahing sanhi ng tendinitis, lalo na sa mga atleta ay ang iliotibial band syndrome. Ito ay makapal na tissue na matatagpuan sa balakang papuntang tuhod.

  • Hernia o luslos — ang luslos ay maaaring tumubo sa tagiliran ng balakang. Ito ay tinatawag na femoral o inguinal hernia, isang klase ng luslos na sanhi ng pagkakaroon ng karagdagang pressure sa tiyan. Ang luslos na ito ay madalas sa mga buntis. Ito ay maaari ring magdulot ng matin­ding pananakit ng balakang.

  • Problema sa likod at sistemang reproductive — ang pananakit ng balakang ng kababaihan ay sanhi ng mga problemang gynecological. Ayon sa mga dalubhasa, importanteng huwag isiping ang pananakit ng balakang ng pasyente ay dulot lamang ng arthritis, bursitis o tendinitis.

  • Endometriosis — ito ang tawag sa sakit na sanhi ng maling pag-develop ng lining ng matris. Ito ay maaaring maging dahilan ng sakit sa balakang. Ang sakit na maaaring maramdaman kapag mayroong endometriosis ay tulad ng may naipit na ugat sa likod. Ang sakit ay maaaring maramdaman mula sa likod hanggang sa mga binti.

Ano ang mga paraan upang hindi lumala ang pananakit ng balakang?

  • Kung ang pananakit ay dahil sa sobrang paggamit o pinsala dahil sa isports, ito ay maaaring gamutin ng heat treatment, pahinga at over-the-counter na mga gamot para sa pamamaga. Para maiwasan ang mga pinsala, kailangang mag-stretching muna bago mag-ehersisyo, magsuot ng tamang damit at gumamit ng maayos na sapatos, lalo na kung tatakbo.

  • Kung partikular na gawain o sobrang paggamit ng mga kalamnan ang sanhi ng pananakit, itigil pansamantala ang mga gawain.

  • Ang sobrang timbang ay maaari ring makadagdag sa pressure sa balakang kaya ang pagbabawas ng timbang ay malaking tulong upang mabawasan ang pananakit na nararam­daman.

  • Kung may pananakit ng balakang na sanhi ng luslos o hernia, kailangan itong operahan para maalis ang pananakit.

  • Kung nakararanas ng pananakit ng balakang at kasalukuyang nahihirapan sa pag-ihi, magpa­tingin agad sa doktor. Ang pananakit ng balakang ay maaari ring palatandaan ng sakit sa bato.

  • Kung malakas uminom o manigarilyo, panahon na para itigil ito.

  • Kung mahinang uminom ng tubig, doblehin o triplehin ang pag-inom ng tubig, lalo na kung mainit ang panahon.

  • Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na pahinga para malabanan ang mga sanhi ng pananakit ng balakang.

Maiiwasan ang ganitong karamdaman sa pamamagitan ng malusog na pamumuhay.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page