
NASA 45 katao ang sugatan nang bumangga ang sinasakyang bus sa poste sa Atok, Benguet, kamakalawa.
Sumalpok sa poste ang Rising Sun Bus Line makaraang mawalan ito ng kontrol sa bahagi ng Bgy. Caliking pasado alas-4:00 ng hapon.
Base sa ulat ng Police Regional Office – Cordillera, isinugod sa Benguet General Hospital ang mga sugatang pasahero kabilang ang driver ng bus na si Regan Ginoban.
Sinasabing tumagilid pa ang bus sa mismong national highway ilang sandali ng bumangga ito sa poste na dahilan ng pagkakaroon ng matinding trapiko.
Kaugnay nito, napag-alaman na nagkaroon din ng halos 10 oras na brownout sa mga sineserbisyuhang lugar ng Benguet Electric Cooperative, Inc. (BENECO) dulot ng aksidente.
Nagsimula ang brownout alas-4:44 ng hapon ng Miyerkules at naibalik ang kuryente alas-2:37 ng madaling-araw ng Huwebes.
Inaalam pa sa imbestigasyon kung human o mechanical error ang sanhi ng insidente.