PINAG-IINGAT ang mga overseas Filipino worker (OFW) lalo na ang mga kababaihan sa paglaganap ng mga online dating site.
Ayon kay ACTS OFW Rep. Aniceto John Bertiz, hindi ligtas ang dating sites para makahanap ng mga “potential partner” dahil naging pugad na rin ito ng mga human trafficker at sexual predator.
Aniya, nagiging popular ang mga dating site sa mga OFW para makahanap ng makakapareha subalit, hindi nila batid ang panganib na naghihintay sa kanila.
Inihalimbawa ni Bertiz ang nangyari sa tatlong Pilipinang nasawi sa Cyprus kung saan inamin umano ng 35-year old Army captain sa nasabing bansa na pitong babae kasama ang ilang bata ang kanyang pinatay.
Umamin din ang killer na gumagamit siya ng sikat na online dating site para makahanap ng kanyang mabibiktima.