
MULING mababawasan simula sa Mayo 1 ang alokasyon ng tubig na inilalabas mula sa Angat Dam sa gitna ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon kay National Water Resources Board Executive Director Sevillo David, Jr., aabot sa 10 cubic meters pa ang ibabawas mula sa kasalukuyang 35 cubic meters na alokasyon.
Nitong Linggo ng umaga, umabot na sa 183.55 meters ang water level sa Angat Dam na nasa 28.45 meters na mas mababa sa normal na high water level nito na 212 meters.
Nangangamba pa si David na kapag tumagal ang El Niño, maaaring bumaba pa sa critical level na 180 meters ang tubig bago matapos ang Abril.
Nauna nang inihayag ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa P5.05 billion ang naging pinsala ng El Niño phenomenon sa mga produktong pang-agrikultura.