NAKASANAYAN natin na hugasan ang mga pagkain bago ito lutuin dahil pagdating sa mga ini-intake natin, the cleaner, the better. Agree? Bagama’t, nakasanayan itong gawin, may mga pagkaing hindi dapat hugasan dahil imbes na magdulot ito ng maganda, eh, lalo pa itong nakasasama. Mga besh, knows ba ninyo na ang itlog ay dehins dapat hugasan? Weh, ‘di nga?
Ayon sa United States Department of Agriculture (USDA), mayroong regulasyon na nagre-require na hugasan ang commercially produced na mga itlog.
Ang proseso ay nagtatanggal ng protective coating na “bloom” o “cuticle” mula sa surface ng itlog.
Sey ng experts, kapag nahugasan ang itlog, ang film ng edible material na oil ay napupunta sa surface nito kung saan ang film ang nagpoprotekta sa itlog mula sa mga bakterya na posibleng mapunta rito.
Bagama’t, ilang indibidwal na ang tumigil sa paghuhugas ng itlog dahil sa paniniwalang ito, marami pa rin ang patuloy na naghuhugas nito.
Gayunman, ayon sa USDA at mga eksperto, hindi umano kailangang hugasan ang mga itlog dahil lalong kumakalat ang bakterya rito.
Babala ni Amy Leigh Mercree, holistic health expert at author ng The Mood Book, ang paghuhugas sa itlog bago lutuin ay nagpu-push ng bakterya rito sa pamamagitan ng tubig.
Gayundin, dahil may kakayahang mag-absorb ang surface ng itlog, mas mataas ang tsansa na mapasok ito ng bakterya at makain ng indibidwal.
Samantala, ang “farm-fresh eggs” ay hindi umano sumasailalim sa proseso ng paglilinis tulad ng commercially produced na itlog.
Kaya kung galing ito sa farm o ikaw mismo ang nag-harvest, inirerekomenda pa rin niya ang hindi paghuhugas dito, ngunit, kung sa tingin mo, eh, kailangan itong hugasan, mabuting gumamit ng maligamgam na tubig.
Maliban pa rito, kung galing umano ito sa supermarket, mabuting huwag na itong hugasan dahil dumaan na ito sa proseso ng tamang paglilinis, gayundin para hindi kumakalat ang bakterya.
Oh no! Dehins natin alam na ang nakasanayan nating gawin, eh, nakapagdudulot ng masama sa ating kalusugan.
Remember, walang masama sa pagiging maingat sa mga pagkaing ating kinakain, pero make sure na ang pag-iingat na ginagawa natin, eh, nakatutulong talaga.
Copy?