top of page
Search
BULGAR

Karapatan ng mamamayan sa malinis na kapaligiran

SA mga nagdaang araw at buwan, nakita natin ang ginawang rehabilitasyon sa Boracay Island nang dahil sa mga naglipanang basura sa nasabing lugar. Kama­kailan lamang ay nagsaga­wa rin ang ating pamaha­laan ng paglilinis sa Manila Bay. Ito ay sa pagtutulu­ngan ng iba’t ibang ahensi­ya ng gobyerno. Ito ay nagpapakita lamang na upang mapangalagaan ang kapaligiran ay kinakaila­ngan ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamama­yan. Kinakailangan ding bigyan ng ngipin ang mga batas na may layuning proteksiyunan ang mga karapatan ng mamamayan laban sa polusyon. Ito ngayon ang malinaw na ginagawa ng kasalukuyang pamahalaan.

Malinaw na nakasaad sa ating Saligang-Batas, partikular sa Article II, Section 16, ang sumusunod na probisyon:

SEC. 16. Dapat pa­nga­lagaan at isulong ng estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”

Makikita rito ang pagpa­pahalaga ng estado sa kara­patan ng mga Pilipino sa malinis na kapaligiran. Sa paglipas ng panahon, napakaraming sakuna ang nangyari hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sina­sabing ang mga saku­nang ito ay dulot ng pagka­sira ng kalikasan at kapali­giran. Sa kabila ng kampan­ya laban sa pagkakalat ng basura, marami pa rin ang hindi tumatalima rito. Ma­raming batas ang naipasa ng Kongreso upang bigyan ng proteksiyon ang kapaligiran at isakatuparan ang polisiya ng estado na bigyan ng proteksiyon at isulong ang karapatan ng mamamayan sa malinis na kapaligiran.

Nagsagawa rin ang Korte Suprema ng mga alituntunin para sa mga kasong isinampa nang dahil mayroong paglabag ng mga batas na pumoprotekta laban sa tuluyang pagkasira ng kalikasan at kapaligiran. Ito ay ang A.M. No. 09-6-8-SC na may titulong “The Rules of Procedure for Environmental Cases”.

Sa anumang paglabag sa mga itinakda ng batas para sa proteksiyon ng kalikasan at kapaligiran, maaaring maghain ng petis­yon sa husgado upang maka­kuha ng Writ of Kalikasan sa ilalim ng Rule 7 ng A.M. No. 09-6-8-SC. Ito ay maaaring isampa sa Korte Suprema o sa anumang sangay ng Court of Appeals ng alinman sa people’s organization o non-governmental organization (NGO) o ng iba pang may pampublikong interes na kinikilala ng ahensiya ng gobyerno. Ang petisyon ay ihahain sa ngalan ng mamamayan na ang karapatan na magka­ro­on ng malusog na ekolo­hiya ay malalabag o nanga­nganib na malabag dahil sa kagagawan ng pampubli­kong opisyal o pribadong indibidwal na maaaring magdulot ng malaking kasiraan ng kapaligiran at makaapekto sa buhay, kalusugan at ari-arian ng dalawa (2) o tatlong (3) siyudad o probinsiya.

Ang Writ of Kalikasan ay legal na remedyo sa ilalim ng batas ng Pilipinas kung saan ang karapatan ng mamamayan sa “balanced and healthful ecology” (timbang at malusog na ekolohiya) ay nalalabag dahil sa gawain ng pam­publikong opisyal, empleya­do o pribadong indibidwal o entidad. Ang mandato ng Writ of Kalikasan ay mula sa Article II, Section 16 ng ating Saligang-Batas sa nabanggit na dapat panga­lagaan at isulong ng estado ang karapatan ng sambaya­nan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan”.

Ang paghahain ng petisyon para makakuha ng Writ of Kalikasan ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring papanagutin ang mga taong lumabag ng batas-kalikasan sa kasong kriminal o sibil para maka­hingi ng danyos.

Kapag mayroong kag­yat na pangangailangan at ang naghahabla ay makara­ranas ng grave injustice at irreparable injury, siya ay maaaring humiling sa kanyang petisyon na mabigyan ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO).

Sa patuloy na pagkasira ng ating kapaligiran, hindi lamang ito magdudulot ng mga sakuna kung hindi, ito ay magiging sanhi rin ng maraming sakit sa mama­ma­yan. Ang mga usok na likha ng mga sasakyan ay maaaring maging sanhi ng asthma o pneumonia. Ang patuloy na pagkakalat ng basura ay magdudulot sa pagbara ng mga kanal at magiging sanhi ng pagbaha. Kaya naman kaakibat ng ating mga karapatan sa ma­linis at malusog na kapa­ligiran ay ang ating mga responsibilidad bilang ma­mamayan na panatilihing maayos ang ating kapa­ligiran. Gawin din natin ang ating mga obligasyon tulad na lamang sa paggamit ng recycled products, pag­titipid sa tubig, enerhiya o kuryente at pagtatapon ng basura sa tamang tapunan. Ito ay mga maliliit na bagay subalit, makatutulong nang malaki sa atin na mapanatiling malinis ang ating kapaligiran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page