top of page

ALL PINOY FINALIST SA SUPER BILLIARDS; LAST MAN PAGULAYAN, NAG-EMPAKE NA

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Apr 2, 2019
  • 1 min read

NARAMDAMAN ang tikas ng mga bilyaristang Pinoy matapos na magtagpo sa finals ng winners bracket sina James “Dodong Diamond” Aranas at Raymond Faraon sa ginaganap na Super Billiards Expo (SBE) Diamond Open 10-Ball Pro Players’ Championships sa Oaks, Pennsylvania.

Kasama sa mga pinagulong ni Aranas, umani ng pitong korona mula sa iba’t-ibang mga sagupaan noong 2018 at kamakailan ay nakapagposte na ng dalawang podium finishes (runner-up sa Derby City Challenge 9-Ball at tersera sa Predator Grand Finale), para makarating sa kinalalagyan niya ngayon sa torneo ang Finland legend Mika “The Iceman” Immonen (13-5), Chris Robinson (13-11), Jérémy Sossei (10-2), Hunter Lombardo (10-5) at Matt Kathryn (10-1).

Samantala, ang pambato ng Camarines Sur na si Faraon, 30-anyos at 2014 All Japan Open kingpin, ay sinagasaan sina Roberto “Superman” Gomez (13-7), Ralf Souquet (135), Oscar Dominguez (107), Corey Deuel (10-4) at Elvie Rodriguez (10-6).

Sinuman ang mangingibabaw sa bakbakang Aranas-Faraon ay haharap sa one-loss side topnotcher na pag-aagawan pa nina Thorsten Hohmann at Dominguez. Doon malalaman kung sino ang tatanghaling kampeon ng paligsahan.

Samantala, nag-empake na ang Fil-Canadian na si Alex “The Lion” Pagulayan matapos itong kapusin sa hamon ng Albanian pride Eklent Kaci, 5-7 sa quarterfinals ng malupit na 2019 World Pool Masters sa Victoria Stadium ng Gibraltar. Napauwi na rin ang isa pang paborito sa katauhan ni Shane Van Boening ng USA na tumiklop sa kamay ng Kastilang si David Alcaide, 3-7.

Bago ang pagkatalo, makinang ang naging paglalakbay ng tubong Isabelang bilyarista. Tinalo ni Pagulayan, 40-taonggulang at 2004 World 9Ball Championship winner, si Wu Jia-qing ng China, 7-4, at si World Pool Billiards Association (WPA) no. 6 Taiwanese Ko Pin-yi, 7-6.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page