HUWAG iboto ang kandidatong bumibili ng boto.
Ito ang apela ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy, sa mga botante kasabay ng nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Giit ni Famadico, hindi dapat mahalal sa puwesto ang mga kandidatong nasasangkot sa vote-buying upang maimpluwensiyahan ang desisyon ng mga botante.
Lalo na aniya kung wala namang magandang track record ang mga kandidato sa pagseserbisyo sa publiko.
Iginiit ng Obispo na walang magandang motibo ang pagbili ng boto ng sinuman lalo na’t maituturing na sagrado ang boto ng bawat isa.
“Huwag iboto 'yung bumibili ng boto o huwag iboto 'yung nag-iimpluwensya para siya lang ang iboto kahit alam na hindi naman maganda 'yung motibo saka wala namang magandang track record…” apela pa ni Famadico sa panayam ng Church-run Radyo Veritas.