NAGKAMPEON ang koponan ng University of Perpetual Help System-JONELTA of Laguna sa katatapos na 2019 Chooks-to-Go Pilipinas 3×3/NBTC Tournament na ginanap sa SM Mall of Asia Music Hall.
Inungusan ng Saints ang Santa Clarita International School-Iloilo sa finals, 21-19, sa pamumuno nina Kenneth Eugenio at Duke Madelo para maiuwi ang titulo.
Si Eugenio ang nagbigay ng kalamangan sa UPHSJ, 20-18 may 40 segundo na lamang ang natitirang oras sa laban bago ito natapyas ng Santa Clarita, 19-20.
At hindi na nagpabaya pa si Madelo at sinelyuhan ang panalo, makalipas ang 30 segundo.
Bukod kina Madelo at Eugenio, ang iba pang miyembro ng Saints ay sina Paulo Paras at Michael Joseph Homo.
Umabot ang dalawang koponan sa finals makaraang talunin ng UPHSJ ang Southwestern University-PHINMA ng Cebu sa semifinals, 21-18, habang iginupo ng Santa Clarita ang Calayan Educational Foundation-Lucena, 15-11.
Nauna nang winalis ng Saints ang Group C makaraang pataubin ang Camp David-New Zealand, 21-11 kasunod ang Hope Christian High School-Manila, 14-12, at University of Baguio, 19-12. (VA)