Sey ng experts... PAG-IYAK, GOOD SA MENTAL HEALTH!
- BULGAR
- Mar 23, 2019
- 2 min read

PARA sa karamihan, ang pag-iyak ay pagpapakita ng kahinaan, drama at kung minsan, eh, tinatawag na attention-seeker ang indibidwal na umiiyak sa harap ng ibang tao. Bagama’t, may negatibong impresyon ang pag-iyak, ayon sa mga eksperto, mayroon itong magandang naidudulot sa mental health at trabaho. Wow!
Ayon kay Anne Kreamer, journalist at researcher, ang pag-iyak ng indibidwal sa harap ng iba ay maaari umanong magpakita ng compassion o pagkahabag nila sa indibidwal na umiyak kung saan ito umano ay may malaking epekto lalo na sa workplace.
Dagdag pa rito, mayroong impresyon ang karamihan na kapag umiyak ang indibidwal sa kanyang workplace, hindi siya makikitang management material, ibig sabihin, may mahina siyang personalidad, ngunit, base sa pag-aaral, lahat ng empleyado, mataas man o mababa ang posisyon ay nararanasan umanong umiyak sa trabaho.
Bagama’t, may koneksiyon sa kalungkutan ang pag-iyak, maaari rin umano itong maging senyales ng frustration sa mga sitwasyon, partikular sa trabaho. Dahil sa frustration sa trabaho, kailangan umanong mag-move on o kalimutan kaagad ang pakiramdan na ito, ngunit, ang pag-iyak ay nakapagpapadali ng pagmu-move on, gayundin para ma-check ang iyong mental at emotional state.
Samantala, mayroon umanong scientific na dahilan kung bakit nakatutulong ang pag-iyak sa frustration sa trabaho.
Ayon sa American Academy of Opthalmology (AAO), kapag umiyak ang indibidwal, nagre-release rin umano ito ng prolactin at leunkephalin, ang dalawang hormone na may malaking role sa pagre-regulate ng mood. Gayundin, ayon sa pag-aaral, ang response na ito ay nakatutulong sa pagbabalik ng katawan sa neutral state post-cry.
Bagama’t, may magandang naidudulot ang pag-iyak sa trabaho, bago tuluyang gawin ito, mabuti umanong ikonsidera ang ilang bagay. Kabilang dito ang environment kung saan dapat mong alamin kung hindi maba-bother ang iyong mga katrabaho kapag nakita nila na umiiyak ka.
Gayunman, mayroong mga boss na ‘empaths’ o ‘yung may concern sa emosyon ng iba, partikular sa kanilang empleyado. Ngunit, mayroon ding mga boss na hindi gaanong concerned sa emosyon ng empleyado, kaya may posibilidad na husgahan nito ang indibidwal kapag nakita nilang umiiyak ang mga ito.
Dahil dito, kung hindi aniya angkop sa environment ng workplace ang pagiging emosyunal, inirerekomenda ng mga eksperto ang pag-iyak sa pribadong lugar tulad ng C.R, gayundin ang paglabas sa opisina para maglakad-lakad. Sa ganitong mga paraan, tuluyan mong mailalabas ang iyong emosyon at makababalik ka sa neutral state.
Oh, ayan mga besh, ngayong alam na ninyo ang benepisyo ng pag-iyak, make sure na hindi na ninyo kikimkimin ang emosyon ninyo, ha? Tandaan, huwag i-invalidate ang inyong emosyon nang sa gayun ay hindi ito maipon at biglang sumabog.
Copy?