![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_66ea9e83d89545d1b30ffb5bf629b092~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/5376bf_66ea9e83d89545d1b30ffb5bf629b092~mv2.jpg)
ISANG panalo na lang ang kailangan ng defending champion Centro Escolar University upang makamit ang inaasam na grand slam matapos na pabagsakin ang Enderun Colleges, 61-48, sa simula ng seryeng best-of-three para sa 15th Men’s National Collegiate Athletic Association (MNCAA) sa Rizal Memorial Coliseum Sabado ng umaga.
Ipinalasap ng Scorpions sa Titans ang unang talo sa torneo at nakaganti sa kanilang nag-iisang talo sa parehong koponan, 58-65, sa unang araw ng mga laro noong Enero 26.
Isang magandang simula ang kinailangan ng CEU at umarangkada sila agad matapos ang unang quarter, 18-7, sa likod ng anim na puntos ni Malick Diouf at hindi na lumingon pa.
Mahigpit din ang kanilang depensa at ang 48 ang pinakamababang puntos na naitala ng Enderun sa kanilang pitong laro.
Mahusay si Diouf sa opensa at depensa at nagsabog ng anim sa kanyang 13 puntos.
Tinulungan siya ni Keanu Caballero na gumawa ng 12 at nagdulot ng magandang sorpresa ang mga rookie na sina Rhayniel David at Joshua Abastillas na nag-ambag ng 11 at 10 puntos.
Kumpleto ang mga manlalaro ng Enderun pero hindi ito naging sapat at si kapitan Mark Joseph Nunez ang nag-iisang Titan na may 10 puntos.
Sinundan siya ni Francisco Tancioco na may 9 at si Valandre Chauca na may pito kahit masakit ang kanyang balikat.
Maaring tapusin na ng CEU ang serye sa darating na Sabado sa Rizal Memorial muli simula ng 10:00 a.m. Kung mananalo ang Enderun, ang ikatlo at huling laro ay agad gaganapin sa Linggo sa parehong lugar at oras.