BINUWELTAHAN ni San Pascual, Batangas Mayor Rosario Anna ‘Roanna’ Conti si Vice-Mayor Antonio Dimayuga at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ‘Anti-Corrupt Practices Act’, ‘Gross Neglect of Duty’ at ‘Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service’ sa Office of the Ombudsman dahil sa ‘unlawful’ na pag-withhold o pagpigil sa pagpapasa ng kanilang 2019 Municipal Budget.
Sinampahan din ng kaso ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Roumel Aguila, Dennis Panopio, Lanifel Manalo, Juanchito Chavez, Ramel Fernandez at Reyshanne Joy Marquez.
Kailangan umanong sagutin ng mga respondent ang criminal at administrative charges na inihain sa kanila dahil sa pag-aantala sa pag-apruba ng 2019 Municipal Budget.
Sinamantala na rin ni Conti ang pagkakataon upang magpaliwanag hinggil sa kasong administratibo na unang inihain laban sa kanya ni Dimayuga sa Ombudsman dahil sa umano’y pagbabakasyon kasama ang kanyang pamilya nang walang travel authority.
“Perhaps, it is only Mr. Dimayuga who is unaware of my authority to travel and leave, as approved by Governor Hermilando I. Mandanas,” ani Conti, sabay ipinrisinta ang authenticated at signed documents ng kanyang biyahe na may pahintulot ng kanilang gobernador.