top of page

Sanhi ng pamumula ng mga mata

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 8, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Palaging namumula ang aking mga mata at minsan, ito ay makati, pero hindi naman nagmumuta. Sa totoo lang, nakaaapekto na ito sa aking trabaho, lalo na kapag nakaharap ako sa computer na parang iritable ang paki­ramdam ko. Ano kaya ito? — Nikola

Sagot

Maraming dahilan ang pamumula ng mga mata. Maaaring ito ay dahil sa pagpupuyat, allergy, stress, panunuyo ng mga mata, pagkapuwing, kemikal, droga, glaucoma o impeksiyon. Kapag may pamumula ng mga mata, huwag agad magpatak ng kung anu-ano.

Narito ang ilan sa mga dahilan ng pamu­mula ng mga mata:

Stress o puyat — lalo na kung madalas nakaharap sa computer, telebisyon at iba pang gadget. Mayroong maliliit na mga ugat sa mga mata ang pumuputok at ito ang sanhi ng pamumula.

Allergy — ito ay kapag ang pamumula ng mga mata ay mayroong kasamang pangangati, pagluluha ng mga mata, sipon at ubo na pabalik-balik at kalimitang umaatake kapag maalikabok o tuwing namumulaklak ang mga halaman.

Sore eyes — kung ito ay may kasamang paghapdi, pangangati, pagluluha o pagmumutang kulay berde o dilaw, sensitibo sa ilaw at pamamaga. Conjunctivitis ang medical term para sa sore eyes, minsan, tinatawag din itong “pink eyes” dahil sa kulay nito. Maaari itong nakahahawa at mabilis makahawa kaya ipinapayong huwag kusutin ang matang apektado at ugaliing maghugas ng mga kamay.

Ano ang dapat gawin kapag may pamumula ng mga mata?

Kapag nagsusuot ng contact lens, iwasan pansamantala ang paglagay nito. Makabubuti kung salamin sa mga mata ang gagamitin.

Ang mga nabibiling antibiotiko na ipinapatak sa mga mata o over-the-counter eye preparation ay hindi rekomendado dahil importanteng malaman muna ang dahilan ng pamumula. Tandaan na kung ito ay viral conjunctivitis, kusa itong gagaling matapos ang ilang araw o linggo.

Mayroong ilang bacteria o mikrobyo ang mabilis makasira ng mga mata, lalo na kapag kumalat ang impeksiyon.

Paalala: Mayroong mga sakit sa mga mata na tinatawag na glaucoma. Ito ay maaaring magpresinta ng sintomas tulad ng pamumula ng mga mata. Kung hindi tiyak ang dahilan ng pamumula ng mga mata makabubuting magpakonsulta agad sa ophthalmologist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page