![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_5bac30e595b5466fa039c13096b30411~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/5376bf_5bac30e595b5466fa039c13096b30411~mv2.jpg)
RAMDAM na ang mainit na panahon.
Kani-kanyang diskarte na rin kung paano makasasabay sa init at tagtuyot.
Kung saan halos kalahati sa kabuuang bilang ng mga lalawigan sa bansa ay nakararanas na ng dry spell.
Ayon sa Pagasa, nadagdagan pa ng limang probinsiya ang nakararanas ng drought o prolong dry spell. Kinabibilangan ito ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Palawan.
Bukod pa ito sa ilang probinsiya sa Mindanao na nakararanas din ng tagtuyot — Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Sulu at Maguindanao.
Inaasahang bago matapos ang Marso, maaaring madagdagan pa ang mga lugar na nakararanas ng tagtuyot.
Sa pagtaya, posibleng maapektuhan ng dry spell ang nasa 41 probinsiya, 25 sa Luzon, 11 sa Visayas at lima sa Mindanao.
Umaasa naman tayo na hindi ito magdudulot ng matinding pinsala sa sakahan at maging sa mga palaisdaan.
Kasabay nito ang panawagan sa gobyerno na alalayan ang ating mga magsasaka at mangingisda upang hindi malagay sa alanganin sa ganitong panahon.