BAKBAKAN ng bilis, tikas, atletismo at taas ang aabangan sa 2019 PBA All-Star Game. Matapos ang isang buwan na pagpili, inilahad na ng PBA ang All-Star starters kahapon. Sina LA Tenorio, Paul Lee, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, at Marcio Lassiter ang bubuo sa starting unit ng North team.
Samantala, ang South team ay pagbibidahan nina twin tower June Mar Fajardo at Greg Slaughter, kasama sina James Yap, Mark Barroca, at Scottie Thompson sa starting unit. Top vote-getters sina Thompson at Barroca mula sa fans sa nakaraang dalawang edisyon ng All-Stars.
Ang All-Star event ngayon ay iniba sa dating format na mayroong mga laro sa isang venue. Ang event ay nakaiskedyul ng mula Marso 29-31, kung saan ang All-Star Game ay idaraos sa Marso 31 sa Calasiao, Pangasinan. Sa nakaraang dalawang seasons, ang liga ay may All-Star weekend nationwide na nagririgodon sa Luzon, Visayas at Mindanao. (ATD)