IBINUNYAG ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na nakatanggap ito ng bantang pambobomba noong nakaraang buwan bago pa man maganap ang malagim na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ito umano ang naging dahilan ng paghihigpit ngayon ng MRT-3 sa kanilang security check sa mga pasahero nito.
Ayon sa MRT-3 management, natanggap nila ang babala sa pamamagitan ng email.
Inilapit na umano nila sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagsusuri sa liham.
Mahigpit nang ipinagbabawal ngayon ang pagdadala ng likido sa loob ng tren.
Ikinairita ng ilang pasahero ang pagbabawal ng MRT-3 na ipasok sa tren ang bottled drinks o kahit anong liquid substance na pupuwedeng maihalo sa substances na makalilikha ng liquid bomb.
Kabilang sa mga uri ng likido na maaaring mapayagan sa MRT-3 ay ang mga sumusunod:
Baby formula/breast milk na nakabote kung may bitbit na bata o sanggol; tubig na iniinom ng bata o sanggol; mga prescription and over-the-counter medication; tubig, juice o liquid nutrition o gel para sa mga pasaherong may kapansanan o may sakit; life-support at life-sustaining liquids tulad ng bone marrow, blood products at transplant organs; mga bagay na nagagamit sa body, medical at cosmetics tulad ng mastectomy products, prosthetics breast, bras o shells na may gel, saline solution at iba pang liquid.