top of page
Search

UL VS. PATTS, CEU VS. DOMC SA TAPATANG NCRAA Q’FINALS

A.Servinio

DAGUPAN CITY – Nagpasikat muli ang mga mainit na kamay ni Reynaldo Ballesteros sa pamamagitan ng siyam na tres para talunin ng University of Luzon ang kanilang mga bisita buhat sa Pasig Catholic College, 85-73, sa Dagupan City People’s Astrodome Miyerkoles ng hapon sa pagsara ng elimination round ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA).

Dahil sa panalo, pormal na nakamit ng Golden Tigers ang huling pwesto sa quarterfinals na nakatakdang ganapin ngayong Pebrero 11. Hindi naging madali ang tagumpay para sa UL at pinalapit nila ang mga Crusader sa 4 na puntos pagkatapos ng magkasunod na tira nina Algie Chavenia at Marc Lester Tamayo, 72-76, at 2:56 ang nalalabing oras. Subalit, sinagot ito ng ika-siyam at huling tres ni Ballesteros, 79-72, at hindi na nakabangon ang mga taga-Pasig.Nakatabla ang UL kasama ng De Ocampo Memorial College at PATTS College of Aeronautics na may parehong kartadang 5-2 panalo-talo. Dahil sa FIBA tiebreaker, umangat ang Golden Tigers sa ikalawang puwesto at haharapin ang PATTS sa quarterfinals habang matatapat ang DOMC sa walang talong Centro Escolar University

Winalis ng Philippine Merchant Marine School ang Grupo B matapos pabagsakin ng Mariners ang defending champion Olivarez College, 70-69. Kontrolado ng PMMS ang laro pero humabol sa huling mga minuto ang mga Sea Lion ngunit nabigo pa rin at minintis ni Dwight Saguiguit ang kanyang tres sabay tunog ng huling busina.

Kalaro sa quarterfinals ng PMMS ang Lyceum of the Philippines University-Laguna na binuksan ang aksiyon sa isang 98-67 na panalo sa Asian Institute of Maritime Studies. Magkikita ang Olivarez at Saint Francis of Assisi College sa isa pang quarterfinal.

Sa isa pang laro, winakasan ng positibo ng Immaculada Concepcion College ang unang taon sa NCRAA sa pamamagitan ng pagwagi sa National College of Business and Arts, 103-89. Pinasok ng Blue Hawks ang unang 12 puntos para simulan ang 4th quarter para lumayo sa kanilang ikalawang panalo sa 7 laro.

 
 

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page