top of page
Search
  • Jersey Sanchez

Bukod sa kalabasa at carrots, mga beshy! 5 PAGKAIN NA NAKALILINAW NG MGA MATA

SINONG mga nagsisisi r’yan dahil hindi nila naalagaan ang kanilang mga mata nu’ng sila ay medyo bata pa? Taas ang kamay. Ha-ha-ha! Hindi pa huli ang lahat para maisalba natin ang ating paningin, kaya narito ang mga pagkain na makatutulong para gumanda ang ating vision at maiwasan ang paglala nito:

1.SALMON. Ayon sa pag-aaral, inirerekomenda sa mga indibidwal na mayroong malabong mga mata ang paggamit ng Mediterranean diet kung saan mamantikang isda lamang ang puwede nilang kainin dahil sagana ito sa Omega-3. Sa ganitong paraan, nababawasan ang tsansa na ma-developed ang macular degeneration AMD o kondisyon na nagreresulta sa labis na paglabo ng paningin. Ayon sa mga eksperto, ang cold water fish, partikular ang salmon at tuna ay nakatutulong upang mamantina ang moist sa mga mata.

2.AVOCADO. Ang avocado ay punumpuno ng antioxidants tulad ng lutein at zeaxanthin kung saan ang mga ito ay nakababawas ng damage na maaaring makuha mula sa ilaw o liwanag at dahil dito nababawasan din ang tsansa ng pagkakaroon ng AMD at katarata. Gayundin, mayaman ito sa Vitamin C kung saan ayon sa mga eksperto, kailangan din ito ng ating mga mata dahil nakatutulong ito upang protektahan ang ating paningin mula sa UV damage.

3.EGGS. Magandang source ng Vitamin A ang itlog kung saan nakatutulong ito upang mabawasan ang pagka-dry ng mga mata at may benepisyo rin ito sa ilang kondisyon sa paningin, partikular ang retinitis pigmentosa.

Ang eggyolk ay mayroong zeaxanthin, uri ng antioxidant na may kakayahang protektahan ang mga mata mula sa ultraviolet radiation mula sa araw. Mayroon din itong lutein na kilala bilang ‘eye vitamin’.

4.CARROTS. Ito ang pinakakilalang pampalinaw ng mga mata dahil bata pa lang tayo, eh, sinasanay na tayo ni nanay na kumain nito dahil sa paniniwalang nakapagpapalinaw ito ng mga mata, ngunit, ayon sa mga eksperto, mayroon itong Vitamin A at beta carotene na tumutulong upang ma-absorb ng mga mata ang Vitamin A.

Ayon sa mga eksperto, ang kakulangan ng Vitamin A ay maaaring mapunta sa xerophthalmia kung saan ang kondisyong ito ay nagdudulot ng pagkatuyo ng mga mata, pamamaga ng talukap at corneal ulcer.

5.GREEN TEA. Bukod sa nakabu-boost ng brain function at epektibong pampapayat ang green tea, keribels din itong pampalinaw ng mga mata. Paano?

Ito ay dahil sa taglay nitong anti-inflammatory at antioxidants, partikular ang Vitamin C, lutein at zeaxanthin na epektibong panlaban sa kanser, sakit sa puso at kondisyon sa mga mata, ngunit, ang flavonoid gallocatechin ay may magandang benipisyo sa paningin. Ayon sa pag-aaral ng Chinese researchers, ang retina ay kilala bilang light-sensing tissue na nakalinya sa likurang bahagi ng mga mata na nakaa-absorb ng gallocatechin kung saan 20 oras nitong nabibigyan ng proteksiyon ang mga mata.

Kaya para sa mga tropa natin diyan na naghahabol ng dyowa… oopsss! Paglinaw na lang ng inyong paningin ang habulin ninyo nang sa gayun ay makakita kayo ng mas better. Ay, ano raw? Ha-ha-ha! Kidding aside, kung gusto ninyong agapan ang paglabo ng inyong paningin o kaya ay bet ninyong panatilihin ang linaw ng mga ito, try n’yo na ang mga pagkaing nabanggit sa itaas. Copy?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page