Dahilan ng pagsakit ng puson kahit walang regla
- BULGAR
- Jan 18, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 28 years old at may isang anak. Bakit kaya lately ay sumasakit ang puson ko, pero wala naman akong regla, natakot akong baka kanser na ito? Nais kong malaman kung ano ang posibleng dahilan ng pagsakit ng puson ko kahit wala akong regla at ano ang dapat gawin? — Elsa
Sagot Kung masakit ang puson kahit walang menstruation, posibleng dahil ito ay may mabigat na dahilan.
Narito ang ilang dahilan ng pagsakit ng puson kahit walang menstruation:
Eating disorder — ang babae na mayroon nito ay makararanas ng hindi regular na regla o talagang wala na. Ang katawan ay magbibigay ng mga senyales bago magkaroon ng buwanang regla.
Pagbubuntis — may posibilidad na nagdadalantao ang babae kapag mararanasan ito ng pagsakit ng puson kahit walang menstruation. Sinasabayan ito ng kaunting pagtulo ng kulay pula o brown na likido.
Pagkakaroon ng bukol — ito ay may dalawang dahilan. Una, maaaring may tumubong bukol sa obaryo. Ikalawa, ang itlog ay hindi makaalis mula sa follicle ng obaryo at habang lumalaki ito, makararamdam ng sakit sa puson.
Menopause — sa panahon nito, ang mga babae ay makararanas na ang menstruation nila ay hindi na regular o halos wala na silang menstruation ng ilang buwan dahil sa pagbaba ng reproductive hormones sa kanilang katawan.
Cervical stenosis — kung saan ang ibabang bahagi ng matris ay masyadong masikip kaya hindi madali ang pagdaloy ng dugo sa panahon ng pagreregla.
Narito ang dapat gawin para maibsan ang pagsakit ng puson:
Iwasan ang sobrang stress o pagkapagod.
Bawasan ang pagkain ng maaasim at maaalat na pagkain.
Gumamit ng hot compress.
Uminom ng tsaang gubat o mainit-init na tubig na may lemon.
Ugaliing uminom ng maraming tubig.
Gayunman, ang pinakamabuting gawin ay magpakonsulta sa doktor, lalo na kung lumalala na ang pananakit ng puson upang mabigyan ng karampatang payo at maresetahan ng gamot na angkop para rito.