top of page

Mayor na iniuugnay kay Diokno, lumantad sa Kamara | ANDAYA, SAPOL SA FAKE NEWS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 16, 2019
  • 1 min read

NAKURYENTE at isang fake news umano ang ikinalat na ulat na balae ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang meyor ng isang bayan sa Sorsogon.

Itinanggi ni Casiguran, Sorsogon Mayor Edwin Hamor ang paratang ni House Majority Leader Rolando Andaya, Jr., na balae niya si Diokno.

Sa muling pagdinig ng House Committee on Rules, sinabi ni Hamor na tanging sa isang kasal lamang niya nakilala ang kalihim.

Si Hamor ang sinasabing isa sa may-ari ng Aremar Construction na kinuhang sub-contractor ng CT Leoncio Construction and Trading na nakakuha ng nasa 32 proyekto sa Bicol Region.

Gayunman, iginiit ni Andaya na si Hamor ay may kaugnayan kay Diokno bilang ang alkalde ay biyenan ng anak ni Diokno na si Charlotte Justine Sicat na asawa ni Romeo Sicat, Jr.

Paliwanag ng mayor, hindi maikokonsiderang in-law ang anak ni Diokno dahil ang napangasawa nito ay anak ni Sorsogon Vice-Governor Esther Hamor sa una niyang asawa.

Hindi rin umano siya malapit sa mga anak ng kanyang kasalukuyang asawa subalit, aminado naman siya na minsan niyang nakita si Diokno na tumawag pa sa kanyang mayor.

Pinaliwanag din ni Hamor kung paano niya itinayo ang Aremar Construction Corporation subalit, ipinamana na niya ito sa kanyang mga anak at binitiwan na niya ang kanyang interes dito.

Hindi naman dumalo sa naturang pagdinig si Diokno, habang pinahahanap naman ng komite si Francisco Clemente ang liaison officer ng CT Leoncio dahil sa kabiguan nitong makadalo sa pagdinig ngayong araw. (BRT)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page