TATLONG empleyado ng food stall ang sugatan matapos sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Pasay City, kahapon ng gabi.
Isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Jerry Orpilla, 33, manager; Jay Venus delos Santos, 50, at Analiza Sevilla, 37, pawang nagtamo ng 2nd degree burns sa katawan.
Base sa pagsisiyasat ni FO1 Keenan Dublado, alas-8:50 ng gabi nang mangyari ang pagsabog sa kusina ng House of Wagyu sa Food Treat Tayo Food Park, sa Roxas Boulevard.
Napag-alaman na nagsasagawa ng food tasting ang tatlong biktima nang mangyari ang pagsabog.
Bago ang insidente, nakaamoy umano ng singaw ng LPG ang manager.
Bahagyang nasira ang bahagi ng food stall at nadamay din ang dalawang katabing food stall dahil sa pagsabog. Idineklara naman ni Dr. Niel Syquia na nasa stable o maayos nang kalagayan ang tatlong biktima.