Worried sa naglalabasang butlig-butlig sa katawan
- BULGAR
- Jan 7, 2019
- 1 min read
Dear Doc. Shane,
Palagay ko ay may nakain o nainom ako na naging sanhi ng mga butlig ko sa katawan. Makati ang mga ito na naglabasan sa dibdib, singit at mga braso. Ilang araw na ito at hindi pa rin nawawala. Ano kaya ang sanhi nito? — Danilo
Sagot
Ang pagkakaroon ng butlig-butlig (vesicles; blisters) sa buong katawan ay maraming posibleng sanhi.
Narito ang posibleng dahilan nito:
• Sakit na dulot ng virus tulad ng bulutong, tigdas o tigdas-hangin — kung ito ay kapansin-pansin at biglaan ang pagsulpot. Ang biglaang pagkalat sa katawan ay mawawala rin sa loob ng ilang araw o linggo.
• Allergy sa pagkain, gamot o bagay — ang butlig-butlig sa buong katawan ay maaaring dahil sa allergy halimbawa, may nainom na gamot na hindi maganda ang reaksiyon ng iyong katawan.
• Iba pang impeksiyon — tulad ng syphilis na STD.
Dahil iba’t iba ang sanhi ng mga butlig sa katawan, kinakailangan itong masuri ng doktor at maiugnay ang butlig-butlig sa iba pang sintomas. Kinakailangang malaman kung kailan ito nag-umpisa, saang bahagi ng katawan naunang lumabas at kung ano ang mga nagti-trigger sa pagkakaroon natin nito.
Gayunman, kapag ang mga butlig-butlig ay dahil sa virus, puwede itong kusang mawala. Kapag ito ay allergy, maaari itong mawala kung maiiwasan mo ang nagti-trigger dito. Gayundin, habang hindi pa nakapagpapatingin sa doktor ang pag-inom ng mga over-the-counter antihistamine tulad ng diphenhydramine at cetirizine ay puwedeng makatulong para mawala ang pangangati sa iyong katawan.
Comments