
NAGBABALA sa publiko ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa mga pekeng pera na maaaring maglipana ngayon dahil na rin sa Christmas rush at pamimili ng publiko ng mga panregalo at panghanda para sa Pasko.
Pinayuhan ng BSP ang publiko na suriing mabuti ang matatanggap na perang papel upang matiyak na hindi peke ang mga ito.
Maaaring suriin ang pera sa pamamagitan ng “Feel-Look-Tilt” method.
Ang Feel ay ang pagsalat sa perang papel na dapat ay magalas dahil sa ginamit na materyales dito at mga naka-embossed na imprenta habang ang Look naman ay ang paghahanap ng mga security feature ng pera gaya ng embossed prints, watermark, security fibers, asymmetric serial numbers at mga see-through mark nito na hindi madaling pekein.
Ang Tilt naman ay ang pagbalikwas sa pera upang hanapin ang nakatagong value nito na nagiging visible kapag ang banknote ay iniikot ng 45 degrees at itinikwas. Hinihikayat din ang publiko na kung sakaling makakita ng mga pekeng pera o nagdududa kung tunay o peke ay maaaring magtungo at ipakita ito sa alinmang tanggapan ng BSP.