Sa ating Saligang-Batas, malinaw na nakasaad ang mga sumusunod, partikular sa Article II, Sections 11 at 22:
“Seksiyon 11: Pinahahalagahan ng estado ang karangalan ng bawat tao at ginagarantiyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang-pantao.
Seksiyon 22. Kinikilala at itinataguyod ng estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.”
Sa mga nabanggit na probisyon ay makikita na binibigyan ng estado ng halaga ang kasaysayan at karapatan ng mga katutubong Pilipino. Ang mga katutubong Pilipino ay may sariling tatak sa kasaysayan ng Pilipinas kaya sa pag-ayos ng gusot sa kanilang lugar sa anumang usapin tungkol sa lupa, sila ay binibigyan ng karapatang resolbahin ito sa ilalim ng kaugalian ng lugar kung saan matatagpuan ang lupang saklaw ng gusot. Kapag walang kaugaliang angkop sa sigalot, doon lamang ito maaaring isailalim sa pag-aayos (amicable settlement) o iakyat sa husgado.
Ang halaga nila sa kasaysayan ay binibigyang-pansin ng estado at pamahalaan kaya bilang kabahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, ang mga katutubong Pilipino ay pinagkalooban ng mga karapatan sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 8371 o mas kilala sa titulong Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o IPRA Law tulad ng mga sumusunod:
Karapatang mag-angkin o magmay-ari ng ari-ariang mana mula sa kanilang mga ninuno (ancestra land). Kaakibat ng karapatang ito ay ang karapatang pagyamanin ang kanilang lupain at manatiling nakatira rito. Sa pagkakataong sila ay paalisin sa nasabing lupain, sila ay may karapatang mabigyan ng malilipatang lugar;
Karapatang mabigyan ng importansiya ang kanilang mga tradisyon na may kinalaman sa usapin at relasyon tungkol sa mga ari-arian;
Karapatang panatilihin, pag-ibayuhin at pagyamanin ang kanilang kultura, tradisyon at institusyon;
Karapatang mapangalagaan ang kanilang karapatang-pantao nang walang diskriminasyon;
Karapatang pamunuan ang kanilang sarili (self-governance);
Karapatang gamitin ang kanilang kultura at tanggap na tradisyon sa pagsasaayos ng kanilang mga suliranin at gusot at makamtan ang hinihinging hustisya;
Karapatang magdesisyon kung ano ang kanilang gagawin para pangalagaan at pagyamanin ang kanilang mga sarili, paniniwala, ispiritwal na paninindigan at lupaing kanilang pag-aari;
Mabigyan ng parehong karapatan, proteksiyon at prebilehiyo tulad ng iba pang miyembro ng lipunan;
Mabigyan ng parehong karapatan sa pagtatrabaho, oportunidad, serbisyo, edukasyon, karapatan at parehong prebilehiyo na tinatamasa ng iba pang miyembro ng lipunan;
Karapatang maprotektahan laban sa anumang diskriminasyon, pagmamalupit at pagpapahirap na may kinalaman sa kanilang trabaho;
Karapatang tumanggi na sapilitang mapaanib sa hukbong sandatahan sa panahon ng panloob na salungatan (internal conflict), lalo na kung magagamit ang puwersang ito laban sa mga katutubong Pilipino;
Karapatang maging malaya laban sa anumang diskriminasyon sa pagkuha at pamamasukan sa trabaho;
Karapatang maisali ang kanilang kultura, tradisyon, kasaysayan at adhikain sa lahat ng uri ng edukasyon, pampublikong impormasyon at palitang pangkultura at edukasyon;
Karapatang panatilihing sagrado, bigyan ng sapat na proteksiyon at paggalang ang kanilang mga sagradong lugar maging ang kanilang mga libingan;
Karapatan laban sa anumang eksplorasyon at paghuhukay sa kanilang lupain nang walang pahintulot ang mga maaapektuhang katutubo;
Karapatang gawin ang lahat ng sertipikadong lupain na minana nila mula sa kanilang mga ninuno na hindi masakop sa pagbabayad ng buwis at anumang uri ng paniningil maliban na lamang sa mga bahagi nito na ginagamit para sa pangmalawakang agrikultura, komersiyal na pagtatanim sa gubat at lupaing ginagamit para sa residential na layunin o kapag ito ay nakatitulo na sa pribadong tao.