
MARAMING dapat ipagpasalamat si Coco Martin sa yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr. (SLN) kung anumang kasikatan ang tinatamasa niya ngayon. ‘Yun ay utang niya sa mga pelikula ni Ronnie Poe na kanyang nilabasan nang isalin ito sa telebisyon tulad nga nitong Ang Probinsyano.
Mas lumaki ang pangalan ni Coco dahil inabot na nang dalawang taon mahigit sa ere ang nasabing serye at nakalabas na at nag-guest ang maraming artista tulad nina Eddie Garcia, Edu Manzano, Lito Lapid, Roderick Paulate, atbp..
Malakas ang appeal sa mga bata ni Coco Martin. Mas kilala na siya ngayon bilang si Cardo Dalisay na isang matapang at tagapagtanggol ng mga mahihirap.
Nagkaroon na ng sariling tatak at identity si Coco. Nakawala na siya sa anino ni Fernando Poe, Jr. at maging sa imahe ng pagiging bold actor kung saan siya nagsimula sa mga indie films.
Pero may kaakibat na malaking responsibilidad ang kanyang pagiging Cardo Dalisay. Bilang isang iniidolo ng mga kabataang viewers, kailangan niyang maging maingat sa lahat ng kanyang ginagawa at sinasabi.
Hindi siya dapat magkamali.