3 pulis, guilty sa pagpatay kay Kian
- Maeng Santos
- Nov 30, 2018
- 2 min read

HINATULAN ng guilty sa kasong murder ang tatlong pulis dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa menor-de-edad na si Kian Lloyd delos Santos sa Caloocan City kasabay ng malawakang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Sa naging desisyon ni Judge Rodolfo Azucena ng Regional Trial Court (RTC) Branch 125 ng Caloocan, ang mga akusadong sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ay napatunayang nagkasala sa kasong murder at sila ay nasentensiyahan ng reclusion perpetua “without eligibility of parole” at iniutos na bayaran ang pamilya ni Delos Santos ng P100,000 in civil indemnity, P100,000 in moral damages, P45,000 in actual damages at P100,000 in exemplary damages.
Absuwelto naman ang tatlong pulis sa kasong pagtatanim ng ebidensiya kay Delos Santos, 17-anyos pa lamang nang maganap ang krimen.
Sa record ng pulisya, alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente noong August 16 noong nakalipas na taon, ilang metro lamang ang layo sa bahay ni Delos Santos sa Block 7, Riverside Baesa, Bgy. 160, Caloocan City kung saan ay nagsagawa ng drug operation ang mga tauhan ng PCP-7 kabilang ang tatlong akusado.
Hindi naman pinaboran ng korte ang paliwanag ng tatlong pulis na ipinagtanggol lamang nila ang kanilang sarili nang manlaban si Delos Santos habang isinasagawa ang drug operation.
Matatandaang, inakusahan ng pulisya si Delos Santos na isa sa mga nagpapakalat ng droga sa kanilang lugar, ngunit, mariin namang itinanggi ng pamilya nito ang akusasyon at sinasabi pang masipag na estudyante ang kanilang anak.
Bukod kay Kian, dalawa pa ang sumunod na napatay ng mga awtoridad sa pinaigting na operasyon laban sa iligal na droga at ito ay sina Carl Angelo Arnaiz, 19, at Reynaldo de Guzman alyas “Kulot”.
Comments