KILALA tayong mga Pilipino dahil sa tatag ng ating kalooban na madalas ay sinasabing kahit pasan natin ang daigdig ay nagagawa pa rin nating ipagpatuloy ang buhay. Sadyang napaka-resilient nating lipunan kaya alam nating makare-relate ang lahat kapag sinabi nating anumang pagsubok ang dumating sa ating buhay ay kakayanin natin ang mga ito. Lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan ngunit, tila hindi pa rin tayo nakaaahon sa bigat ng pasanin sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Siyempre, tradition dictates na tayo ay maghanda para sa panahong ito. We simply cannot help but to go with the flow of festivities and to need the warmth and comfort of the celebration the holidays dictate. Ngunit, ang pagdiriwang ng panahong ito, ayaw man nating aminin ay may gastos na kaakibat.
Alam nating para sa mga dumaranas ng hirap ay napakalungkot na walang gaanong palamuti sa tahanan at ‘yun ay kung may tahanan man tayong matatawag dahil marami sa ating mga kababayan ang walang matirhan dahil sa hirap ng buhay.
Sana ay maalala nating hindi magagarang dekorasyon sa tahanan at magarbong handa ang magdidikta ng kasiyahan natin sa panahong ito kundi ang pagmamahal na nadarama natin kaya napakahalaga ng pamilya ngayong panahong ito.
Ngunit, mayroon tayong mga kababayan na hindi makakasama ang mga mahal nila sa buhay sa Pasko at Bagong Taon. Ipaaalala na lamang nila sa kanilang mga sarili na para sa pamilya kaya sila nasa ibang bansa. Siyempre, may epekto sa relationship ng mga pamilya ang ganitong arrangement, madalas ay nalalayo ang loob ng mga bata sa kanilang mga magulang na OFW ngunit, dahil hindi ito maiiwasan, sana ay magawan natin ng paraan na maiparamdam pa rin sa isa’t isa ang pagmamahal sa mga okasyong ito.
Ngunit, sa gitna ng dilim at lungkot na ating nararanasan, sana ay maalala natin na matatag tayo at malalampasan din natin ang anumang lungkot na mayroon sa panahong ito. Sana ay pagmamahal ang mamayani sa Pasko at Bagong Taon.