BILANG pagbibigay-galang sa paanyaya ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman Alan Peter Cayetano, umuwi si athletics legend Lydia de Vega mula sa Singapore upang maging bahagi ng ocular inspection team noong Biyernes upang makita at malaman ang progreso ng ginagawang state-of-the-art New Clark City Sports Complex na pagdarausan ng 11-nation 2019 SEA Games.
Matagal nanirahan si De Vega sa Singapore at nagtratrabaho bilang athletics coach sa isang paaralan matapos magretiro noong 1983 SEAG kung saan nanalo siya ng isang ginto sa 200m, dalawang pilak sa100m at 4x400m relay at isang tanso sa 4x100m relay.
Naglaro si De Vega sa dalawang Olympic Games noong 1984 sa Los Angeles at 1988 sa Seoul, South Korea.
Kasama ni De Vega sina swimming legend at dating PSC ex-Games and Amusement Board chairman Eric Buhain, current PSC chief William Ramirez, Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go at Bases Conversion Development Program Vivencio Dizon.
Ang bagong modern sports complex ay itinayo sa malawak na lupain sa dating US Air Force Base sa Clark sa Pampanga.
Ngayon lang natupad ang matagal na pangarap magkaroon ng state-of-the-art sports complex sa mahabang panahon at naging makatotohanan sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang nasabing sports complex ay kumpleto sa pasilidad kahalintulad sa sports complex sa Singapore at Malaysia kung saan ginawa ang huling dalawang SEA Games bago ang ‘Pinas.
Tatapusin ang bagong sports complex para sa 2019 edition tampok ang mga atletang mula sa 11 bansa na bumubuo ng ASEAN kasama ang ‘Pinas.